
Mas marami pang mga Pilipino ang nagtiwala kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng pagtaas ng kanyang public trust sa 54% nitong First Quarter ng 2026, mula sa naitalang 48% noong Fourth Quarter ng 2025 ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Anim na porsyento itong mas mataas kung ikukumpara sa survey na isinagawa para sa huling quarter ng 2025 noong Disyembre.
Higit ding bumuti ang performance rating ng Pangulo ayon sa publiko na umabot sa 55% para sa First Quarter ng 2026, o apat na porsyentong mas mataas mula sa 51% na grado noong nakaraang quarter.
Naitala ang pinakamataas na trust rating ni Pangulong Marcos Jr. sa Balance Luzon na may 57%, at sinundan ng Visayas na may 56%.
Isinagawa ang survey nitong Marso sa 1,200 mga respondante, kasabay ng pinaigting na hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng subsidiya at tulong-pinansyal sa publiko sa gitna ng umiiral na sigalot sa Middle East. -MP











