IBCTV13
www.ibctv13.com

Unang tunnel boring machine ng Metro Manila Subway, matagumpay na nailusot sa Quezon Avenue Station

78
Views

[post_view_count]

President Ferdinand Marcos Jr. inspected the construction progress in the Quezon Avenue station of the Metro Manila Subway Project today, September 23. (Photo courtesy of PCO)

Isang mahalagang progreso ang nakamit ng Metro Manila Subway (MMSP) matapos matagumpay na naipasok ang unang bahagi ng tunnel boring machine (TBM) sa Quezon Avenue Station sa Quezon City ngayong araw, Setyembre 23.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inspeksyon sa istasyon upang saksihan ang breakthrough ng unang TBM sa ilalim ng Contract Package 102 (CP 102).

“Nakikita ninyo ‘yung subway project natin, dahan-dahan ay nabubuo na. This is a very important day today because we are commemorating the breakthrough of the tunnel boring machine,” ani Pangulong Marcos Jr.

Sakop ng MMSP-CP 102 ang pagtatayo ng 3.16 kilometrong tunnel mula North Avenue Station hanggang East Avenue Station, kabilang ang konstruksyon ng Quezon Avenue Station at East Avenue Station sa Quezon City.

Batay sa datos ng pamahalaan, nasa humigit-kumulang 60% na ang kabuuang progreso ng MMSP, na may tinatayang kabuuang alokasyon na P488.48 bilyon.

Kapag ganap nang operational, inaasahang mapabababa ng subway ang biyahe mula Valenzuela City patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula isang oras at 30 minuto patungong halos 41 minuto na lamang.

Binubuo ang MMSP ng 17 istasyon at pinopondohan sa pamamagitan ng mga loan proceed mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at counterpart funds ng pamahalaan.

Target na ganap na patakbuhin ang subway pagsapit ng 2032, na inaasahang kayang serbisyuhan ang mahigit 520,000 pasahero kada araw. – VC