
Nasa ilalim na ng Blue Alert status ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (RDRRMC) sa Western Visayas bilang paghahanda sa posibleng matinding epekto ng “Very Strong” El Niño sa rehiyon.
Kasunod ito ng isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Scenario Building Meeting ng RDRRMC-6, sa pangunguna ni Chairperson at Office of Civil Defense (OCD-6) Regional Director Raul Fernandez.
Sa nasabing pulong, sinuri ng mga kinauukulang ahensya ang mga posibleng epekto ng El Niño at pinag-isa ang mga hakbang upang mapalakas ang kahandaan at mabawasan ang pinsala sa mga komunidad.
Sa ilalim ng Blue Alert, paiigtingin ang koordinasyon ng mga pangunahing response cluster, kabilang ang logistics sa pangunguna ng OCD, food and non-food items sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), health sa pamumuno ng Department of Health (DOH), law and order sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP), at crisis communication.
Ayon kay Fernandez, pitong pangunahing sektor ang tututukan sa paghahanda, kabilang ang seguridad sa suplay ng tubig, pagkain at enerhiya, gayundin ang kalusugan at pagpapanatili ng kaayusan ng publiko.
“This is an anticipatory action kasi nga matagal nang sinasabi ng PAGASA na we are going to experience a very strong El Niño,” ani Fernandez.
Ipinaliwanag din niyang napapanahon ang pagtataas ng Blue Alert upang makapaghanda ang mga ahensya ng pamahalaan ng mga kinakailangang kagamitan, suplay, at tulong para sa pamilyang posibleng maapektuhan.
Batay sa climate outlook ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagpapatuloy ang Strong El Niño sa tropical Pacific at inaasahang lalakas pa sa pagtatapos ng 2026. Inaasahan namang magpapatuloy ang epekto nito hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Sa Western Visayas, mas mababa sa normal ang inaasahang pag-ulan sa Oktubre at Nobyembre.
Samantala, mula Disyembre hanggang Marso 2027 ay posible ring lalo pang bumaba ang dami ng ulan, kasabay ng pagtaas ng heat index. Dahil dito, posibleng makaranas ang buong rehiyon ng matinding tagtuyot pagsapit ng Marso 2027.
Kaugnay nito, inilahad ng mga pangunahing ahensya ng Regional El Niño Task Force ang kanilang mga plano at contingency measures upang matiyak ang seguridad sa pagkain, tubig, at enerhiya, gayundin ang pangangalaga sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
“Tinututukan po natin ang agricultural sectors; yung mga farmers mga fisherfolks, health sectors at tinututukan natin ang water sector natin just to make sure ba kung magkaroon ng kakulangan ng tubig meron tayong ibang mapagkukunan,” ani Fernandez. – MP











