IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, inanunsyo ang tuluyang pagbubukas ng MRT-7 North Ave-Sacred Heart, NSCR Valenzuela-Malolos sa susunod na taon

47
Views

[post_view_count]

President Ferdinand Marcos Jr. personally inspected the Kamuning Station, which connects the EDSA Busway and MRT Kamuning terminal with First Lady Liza Araneta-Marcos, their youngest son Vinny, and DPWH Secretary Vince Dizon. (Photo courtesy of PCO)

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nalalapit na pag-arangkada ng mga inaabangang malalaking proyekto sa transportasyon sa kanyang ika-5 State of the Nation Address.

Matapos ang halos tatlong dekada, masayang ibinalita ng Pangulo na nakatakda nang magbukas ang 12 istasyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line-7 sa taong 2027.

Mag-uugnay ang bagong linya sa North Avenue hanggang Sacred Heart, Quezon City, at inaasahang mapapalawak pa sa hinaharap hanggang San Jose del Monte, Bulacan.

Malaking ginhawa ang maidudulot ng MRT-7 dahil inaasahang halos isang milyong pasahero kada araw ang maseserbisyuhan nito.

Kasabay nito, iniulat din ng Pangulo ang iba pang railway projects na malapit nang mapakinabangan ng publiko, kabilang ang North-South Commuter Railway (NSCR), na inaasahang magsisimulang bumiyahe sa pagitan ng Valenzuela at Malolos sa susunod na taon.

Sinabi ng Pangulo na sisikapin ng Department of Transportation (DOTr) na makumpleto rin ang NSCR hanggang Clark bago matapos ang kanyang administrasyon.

Samantala, ibinida rin ng Pangulo ang pagtakbo ng Cebu Bus Rapid Transit (BRT), gayundin ang nakatakdang pagpapasinaya naman sa susunod na taon ng BRT project sa Ilocos Norte.

Ayon sa Pangulo, patuloy na tinututukan ng pamahalaan ang pagpapahusay ng mga tren, busway, transport hubs, at integrated terminals upang mapalawak ang sakop ng serbisyo, madagdagan ang kapasidad ng mga pasilidad, at makapagbigay ng mas moderno at mas maginhawang biyahe sa publiko.

Iniugnay naman ng Pangulo ang mabilis na paggulong ng mga proyekto kasunod ng pagsasabatas ng Accelerated and Reformed Right of Way Act.

Ang batas ay tutugon sa matagal nang suliranin sa right of way, na itinuturing na pangunahing balakid sa pagsasakatuparan ng mga mass transit project sa bansa.

“Thanks to the recently enacted Accelerated and Reformed Right of Way Act, right of way issues are now quickly resolved, removing the biggest chokepoint in our mass transit development program,” ani Pangulo. – VC