
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng pitong bagong programa sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) upang palawakin ang oportunidad sa trabaho, pagsasanay sa kasanayan, at kabuhayan ng mga Pilipino.
Inilunsad ang mga programa kasabay ng pagdiriwang ng 2026 National Public Employment Service Office (PESO) Congress sa Lapu-Lapu City, Cebu, ngayong Miyerkules, Oktubre 14.
Kabilang sa mga bagong programa ang SkillPass, Tropa Negosyo Trabaho, Sagip-Trabaho, KaHANAP, Match Fund LGU, Tulong-Aral, at Trabahong-Dagat, na naglalayong tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga manggagawa.
Ayon sa Pangulo, mahalagang matiyak ng pamahalaan na may sapat na oportunidad sa trabaho ang mga Pilipino upang masuportahan ang kani-kanilang mga pamilya.
“For millions of Filipinos, employment is the means to provide for families, put their skills and education to good use, and create a more secure future for ourselves. Our duty as a government is to ensure that they have the opportunities to pursue these goals,” ani Pangulo.
Sa ilalim ng SkillPass, maitatala ng mga benepisyaryo ang kanilang karanasan at kakayahan sa trabaho.
Maaari rin silang sumailalim sa pagsasanay at pagsusulit upang makakuha ng sertipikasyon mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Samantala, magbibigay ang Tropa Negosyo Trabaho ng puhunan na mula P50,000-P500,000 sa mga grupong binubuo ng hindi bababa sa limang benepisyaryo upang makapagsimula ng maliliit na negosyo.
Ang Sagip-Trabaho naman ay magbibigay ng tulong sa pasahod sa mga kwalipikadong maliliit na negosyo na apektado ng mga umento sa sahod upang mapanatili ang kanilang mga empleyado at maiwasan ang tanggalan.
Sa KaHANAP, iuugnay ang mga benepisyaryo ng TUPAD at iba pang manggagawa, sa mga micro, small, and medium enterprises (MSME) upang magkaroon sila ng pagkakataong maipakita ang kanilang kakayahan at makakuha ng regular na trabaho.
Ang pangunahing layunin ng Match Fund LGU ay palakasin ang pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng pondo upang magbigay ng mas maraming pansamantalang trabaho.
Sa ilalim ng Tulong-Aral, kukuha ng mga qualified education graduates at academic mentors upang tulungan ang mga mag-aaral sa Baitang 1-3 na mapaunlad ang kanilang kasanayan sa pagbasa, pagsulat, at matematika.
Samantala, nakatuon ang Trabahong-Dagat sa pagbibigay ng trabaho, pagsasanay sa kasanayan, at oportunidad sa pagnenegosyo para sa mga magsasaka, kabataang naninirahan sa mga baybaying komunidad, at iba pang manggagawa, partikular sa closed fishing season.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, bahagi ang pagpapalawak sa TUPAD ng pagsisikap ng pamahalaan na makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho sa buong bansa, habang tinutulungan ang mga manggagawa na mapaunlad ang kanilang mga kasanayan at magkaroon ng mas matatag na pagkakakitaan. – VC











