IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipinag-utos ang agarang pagtugon ng mga ahensya ng pamahalaan sa epekto ng Mayon ashfall

95
Views

[post_view_count]

Photo from PCO, PCG

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mabilis na pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan para tugunan ang epekto ng ashfall mula sa Mayon Volcano sa Albay at umagapay sa mga apektadong pamilya, partikular na sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig.

Kabilang sa mga isinagawang hakbang ang pagsisimula ng clearing operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga kalsada sa nasalantang lugar para tiyakin na madaraanan pa rin ito ng mga motorista.

Nagpakalat na rin ng mobile clinics at mga water station sa mga apektadong lugar ang Department of Health (DOH) para sa mabilisang paghahatid ng medical assistance.

Patuloy din ang pamahahagi ng ahensya ng mga N95 mask bilang proteksyon sa epekto ng ashfall sa kalusugan.

Samantala, hiningi na rin ang pakikipagtulungan ng Bureau of Fire Protection (BFP), sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG), para sa water spraying at ash clearing operations.
Walang patid naman ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga pagkain at pangunahing pangangailangan sa mga pamilyang kasalukuyang nasa evacuation centers.

Kasabay nito, ipinag-utos din ng Pangulo ang mahigpit na pagbabantay sa mga daluyan ng tubig malapit sa Mayon Volcano para sa posibleng pag-agos ng lahar.

Patuloy namang kumikilos ang pamahalaan, katuwang ang mga lokal na otoridad, para sa mabilis na aksyon at suporta sa gitna ng sakuna. – MP

Related Articles