
Kinilala ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang isa sa Top 15 Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na may pinakamalaking nai-remit na dividend sa pamahalaan sa ginanap na 2026 GOCC Day sa Malacañang nitong Miyerkules, Hulyo 8.
Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go ang pagkilala sa mga GOCC na nagpakita ng mahusay na financial performance at malaking ambag sa kita ng gobyerno sa pamamagitan ng dividend remittances.
Ayon kay Go, mahalagang pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan ang mga dividend na ini-remit ng mga GOCC dahil ginagamit ang mga ito upang pondohan ang mga prayoridad na programa ng gobyerno, kabilang ang mga proyekto sa imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at iba pang public services.
Bilang isa sa mga pangunahing lumilikha ng kita na GOCC, sinabi ng PCSO na patuloy nitong ginagampanan ang mandato nitong makalikom ng pondo para sa mga charity habang nagbibigay ng bahagi ng kita sa pamahalaan.
Nagmumula ang kita ng ahensya sa mga gaming operations nito, na siyang pinagmumulan ng pondo para sa iba’t ibang programa tulad ng medical assistance, pamamahagi ng Patient Transport Vehicles, institutional partnerships, corporate social responsibility initiatives, at iba pang serbisyong nakikinabang ang milyun-milyong Pilipino.
Ayon sa PCSO, ang pagkakasama nito sa listahan ng mga nangungunang GOCC ay patunay ng maayos nitong pamamahala sa pananalapi, transparency, at responsible governance, kasabay ng pagpapatuloy ng mga charity programs.
Sa kabuuan, umabot sa P147.15 bilyon ang dividend remittances ng 50 GOCC ngayong taon, na mas mataas ng 29% kumpara sa nakaraang taon.
Mula sa kabuuang halaga, P140-B na ang naipasa sa pamahalaan, habang inaasahang makukumpleto ang natitirang balanse bago matapos ang taon.
Iginiit ng PCSO na nananatili itong katuwang ng pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyong medikal at iba pang tulong sa mga Pilipino, kasabay ng patuloy na pag-aambag sa kita ng gobyerno upang masuportahan ang mga programang naglalayong isulong ang inklusibo at pambansang kaunlaran. – VC











