IBCTV13
www.ibctv13.com

Tuluy-tuloy na suporta sa mga biktima ng sunog sa Parola, ipinag-utos ni PBBM sa DSWD

Kristel Isidro
54
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the distribution of relief goods to victims of the massive fire that struck Parola Compound at the Leonardo B. Fugoso Sports Complex today, May 25. (Photo courtesy of PCO)

Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tuluy-tuloy na paghahatid ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng malaking sunog sa Parola Compound sa Binondo, Maynila, kasunod ng kanyang personal na pamamahagi ng relief goods ngayong Lunes, Mayo 25.

Sa isinagawang relief distribution sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex sa Delpan, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na magbibigay ang ahensya ng tig-P10,000 na tulong-pinansyal sa bawat pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program.

Kasabay nito, patuloy ang pamamahagi ng DSWD ng family food packs, hygiene kits, sleeping kits, cooking kits, at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga evacuee.

Para naman sa pagtatayo ng kabahayan at pagbangon ng mga nasunugan, inanunsyo rin ng Pangulo na maglalaan ang National Housing Authority ng karagdagang P30,000 kada pamilya.

“‘Yung inanunsyo ng ating Pangulo kanina — una, P10,000 cash relief assistance galing sa AICS ng DSWD. ‘Yung P30,000 ay galing sa National Housing Authority, pang-rebuild at pang-recovery na iyon,” paliwanag ni Gatchalian.

Magkakaloob din ang Office of the President ng dagdag na P5,000 cash assistance bawat pamilya.

Ayon sa DSWD, umabot na sa mahigit 2,100 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa trahedya at inaasahang madaragdagan pa habang nagpapatuloy ang validation at census sa lugar.

Nagpasalamat naman si Gatchalian sa lokal na pamahalaan ng Maynila, sa pangunguna ni Manila Mayor Isko Moreno, dahil sa nakahandang karagdagang financial assistance para sa mga biktima.

Binigyang-diin ng kalihim na sa pinagsama-samang ayuda mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, magkakaroon ng sapat na panimulang tulong ang mga nasunugang pamilya upang muling makabangon.

Sa tala, umabot na sa halos P5.6 milyon ang kabuuang naipamahaging ayuda ng DSWD sa mga apektadong pamilya mula sa sunog. – VC