
Magdaragdag ang pamahalaan ng 10,000 school counselor associates ngayong School Year (SY) 2026-2027 upang mapaigting ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa gitna ng mga insidente ng karahasan.
Inanunsyo ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa isinagawang pagkilala sa mga paaralan at education partners na lumahok sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2025 sa Corazon Aquino National High School ngayong Lunes, Setyembre 28.
Ayon sa Pangulo, layunin ng programa na makapagbigay ng mas ligtas at maayos na learning environment para sa mga kabataan.
“We have hired 10,000 school counselor associates for this school year. We are promoting a safe and positive learning environment for our students,” ani Pangulo.
Binanggit din ni Pangulong Marcos Jr. ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Tacloban, Zamboanga at South Cotabato.
“Hindi katanggap-tanggap ‘yong mga pangyayari na nakita natin sa Tacloban, sa Zamboanga, sa South Cotabato. At ito talaga ay dumudugo ang puso, hindi lamang ang mga pamilya, kapamilya ng mga nasawi, kung hindi ang buong bansa,” saad ng punong ehekutibo.
Binigyang-diin naman ng Pangulo na dapat makapasok at makapag-aral ang mga estudyante sa paaralan nang walang pangamba.
Dahil dito, tiniyak ng Pangulo na patuloy na nakikipagtulungan ang pamahalaan sa mga guro, magulang, barangay workers at iba pang stakeholders upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan at maiwasan ang karahasan.
Inaasahang tutulong ang mga bagong school counselor associate sa pagbibigay ng mental health at psychosocial support sa mga mag-aaral.
Makakatulong din ang mga ito sa mga umiiral na programa laban sa bullying, karahasan at iba pang hamong kinakaharap ng mga kabataan.
“We are committed to providing our youth, our parents, and communities with the knowledge and resources to prevent and respond to school violence,” dagdag ng Pangulo. – MP











