IBCTV13
www.ibctv13.com

2-4 na bagyo, asahan ngayong Hulyo; 8-14 bagyo, posible hanggang Oktubre – PAGASA

Michael Peronce
128
Views

[post_view_count]

Knee-deep flooding due to enhanced Habagat in the City of Manila. (File photo of IBC)

Aabot sa dalawa hanggang apat na bagyo ang inaasahang mabubuo o papasok sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong buwan ng Hulyo, ayon sa Climatology and Agrometeorology Division ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa Tropical Cyclone Tracks Climatology ng PAGASA mula 1948 hanggang 2015, may apat na karaniwang track ang bagyo tuwing Hulyo:

-Papasok ng PAR at lilihis patungong China o Japan
-Papasok ng PAR ngunit lilihis patungong Taiwan
-Papasok ng PAR at tatawid ng Northern Luzon
-Mabubuo sa PAR at tatama ng Eastern Visayas-Southern Luzon area

Samantala, sa ginanap na “Media Workshop on MHIBFEWS: Strengthening Science Communication for Impact-Based Forecasting in the Philippines” nitong Hunyo 27-28, ibinahagi ni Weather Services Chief Thelma Cinco na posibleng umabot sa walo hanggang 14 na bagyo ang papasok o mabubuo sa PAR hanggang Oktubre.

Narito ang inaasahang bilang ng Tropical Cyclones (TCs) sa bawat buwan:

Hulyo – 2 hanggang 4 na bagyo
Agosto – 2 hanggang 4 bagyo
Setyembre – 2 hanggang 3 bagyo
Oktubre – 2 hanggang 3 bagyo

Kasunod ng pag-iral ng El Niño, asahan ang malakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa tuwing may “enhanced” Habagat hanggang sa darating na Setyembre.

Mas mababa rin ang inaasahang TCs sa dulong bahagi ng 2026, subalit posibleng umabot sa Typhoon hanggang Super Typhoon category.

Hindi naman inaalis ang posibilidad ng pagkakaroon ng “very strong” El Niño sa pagitan ng October-November-December (OND) at November-December-January (NDJ) Season.

Ngayong Martes, Hulyo 7, tuluyang nabuo bilang Tropical Depression Henry ang low pressure area sa West Philippine Sea, ang unang bagyo sa buwan ng Hulyo. – VC