IBCTV13
www.ibctv13.com

339 bagong School Counselor Associates sa NCR, pormal nang nanumpa sa tungkulin

443
Views

[post_view_count]

339 newly hired School Counselor Associates of the Department of Education (DepEd) took their oath of office at the DepEd Central Office today, October 15. (Photo courtesy of DepEd)

Pormal nang nanumpa sa kanilang tungkulin ang 339 bagong talagang School Counselor Associates (SCA) mula sa National Capital Region, kasabay ng pagdiriwang ng Mental Health Awareness Month at National School Safety Week.

Pinangunahan ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang oath-taking ng mga SCA sa DepEd Central Office sa Pasig City ngayong Miyerkules, Oktubre 15.

Layon ng Mental Health Awareness Month at National School Safety Week na palakasin ang kamalayan sa kalusugang pangkaisipan at itaguyod ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga paaralan.

Inaasahang tutulong ang mga bagong SCA sa pagbuo ng student profiles, pagsasagawa ng mga assessment sa mga bata, pagbibigay ng psychosocial support, at paggabay sa kanila sa pagpili ng tatahaking karera.

Ayon kay Angara, hindi lamang pisikal na seguridad ang mahalaga sa paglikha ng ligtas na kapaligiran sa mga paaralan, kundi pati ang pangangalaga sa mental health ng mga kabataan.

“Our goal is not only to ensure that our schools are safe, but also loving, like a second home and a second family to our children, many of whom come from far from ideal family situations,” ani Angara.

Ang pagpasok ng mga bagong counselors ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 28 na magtalaga ng karagdagang SCA bilang parte ng hakbangin kaugnay ng magkakasunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Tacloban, Zamboanga, at South Cotabato.

Ayon sa Pangulo, ang mga SCA ay inaasahang titiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral at magbibigay ng sapat na kaalaman at suporta sa kanila upang maiwasan at matugunan ang karahasan sa mga paaralan.

“We are committed to providing our youth, our parents, our communities, with the knowledge and resources to prevent and respond to school violence,” ani Pangulo.

Samantala, nagsagawa rin ang DepEd ng Mental Health Caravan sa Marikina Elementary School ngayong araw.

Lumahok sa sesyon ang mga rehistradong guidance counselor, mag-aaral, guro, at non-teaching personnel upang talakayin ang mga alituntunin, gampanin, at responsibilidad, gayundin ang mga pamamaraan sa paghahatid ng mental health services at counseling sa mga paaralan. – VC