
Dinala ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang pamamahagi ng tig-10 kilong bigas sa kabuuang 35,000 mga mahihirap at vulnerable family sa Parañaque City, sa ilalim ng kanyang “Mula sa Puso Para sa Pamilya” initiative.
Ito ang ikalawang bugso ng rice distribution ng Unang Ginang para sa mga benepisyaryo ng Brgy. San Antonio sa Parañaque Sports Complex.
Nakiisa sa pamamahagi sina City Mayor Edwin Olivarez, San Juan City Mayor Francis Zamora, First District Rep. Eric Olivarez, Second District Rep. Brian Raymund Yamsuan at iba pang opisyal.
Nagpasalamat naman ang Unang Ginang sa Parañaque LGU at mga residente para sa kanilang walang humpay na pagsuporta at pakikiisa sa programa.
Ayon kay Mayor Olivarez, ramdam na ramdam ng Parañaque ang pagkalinga at pagmamahal ng pamahalaan sa pamamagitan ng programa.
“Iniikot po niya ang mga LGU upang makita ang kalagayan ng ating mga kababayan. Ramdam na ramdam ng Lungsod ng Parañaque ang pagmamahal at kalinga ng ating Mahal na Presidente,” paliwanag ng alkalde.
Kabilang sa mga benepisyaryong nakinabang sa libreng bigas ang mga senior citizens, PUV drivers, persons with disability (PWDs), solo parents, mangingisda, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at mga pamilyang naapektuhan ng sunog noong Mayo.
Para naman kay Barangay Kagawad Mark Aragon, maganda ang programa ng First Lady dahil direktang naipapaabot ang tulong sa mga komunidad.
“Magandang programa ito na direktang pakikinabangan ng aming mga kabarangay,” saad ni Aragon.
Ayon sa LGU, masusundan pa ang pamamahagi ng bigas sa lungsod bago matapos ang 2026.
Sa ilalim ng programa, direktang binili ang bigas mula sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) na bahagi ng “Bawat Bayan Makikinabang” program ni Pangulong Marcos Jr. – VC











