IBCTV13
www.ibctv13.com

4PH Program, pinalalakas ng administrasyong Marcos Jr.; abot-kayang pabahay, inilalapit sa mas maraming pamilyang Pilipino

64
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. inspected the Palayan City Township Project in Brgy. Atate, Palayan City in Nueva Ecija on April 23, 2026, underscoring the progress of the Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program. (Photo courtesy of DHSUD)

Sa loob ng maraming taon, nanatiling pangarap ng libu-libong pamilyang Pilipino ang magkaroon ng sariling tahanan.

Marami ang naninirahan sa hindi ligtas, masikip, o inuupahang mga tirahan habang patuloy na nahihirapang makakuha ng abot-kayang pabahay.

Para sa maraming pamilya, ang pagkakaroon ng sariling bahay ay hindi lamang simbolo ng seguridad kundi ng mas maayos na kinabukasan at mas disenteng pamumuhay.

Ito ang isa sa mga pangunahing suliraning nais tugunan ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH) ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong mapalawak ang access ng mga Pilipino sa de-kalidad at abot-kayang pabahay.

 

 
Matatandaan noong Abril 2026 ay binisita ng Pangulo ang ilang housing projects sa San Fernando, Pampanga, kabilang ang Crystal Peak Estate, upang personal na inspeksyunin ang progreso ng mga ito at tiyaking ligtas at de-kalidad ang mga pabahay na ipagkakaloob sa mga benepisyaryo.

“Nakakatuwa na makita na mas maginhawa at mas maganda ang buhay ng ating mga kababayan,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.

 

 
Binigyang-diin naman ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling na pinalawak ang iba’t ibang modalidad ng programa upang mas maraming pamilya ang mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling bahay.

“Ngayon, lahat po ng modalities, nandiyan po ang horizontal, house and lot. Ang dignidad [kasi] ng pamilya, lalo na [para sa] Pilipinong pamilya, ay [naibibigay] kapag nagkaroon na sila ng sariling bahay,” ani Aliling.

Ayon sa ilang residente, naging mas abot-kaya ang pagbili ng kanilang bahay dahil sa mababang interes sa housing loan na ipinatutupad sa ilalim ng programa.

Alinsunod sa direktiba ng Pangulo, ibinaba ng pamahalaan sa isa hanggang tatlong porsiyento ang subsidized interest rate para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng mga socialized housing projects upang mas maraming pamilya ang makapag-avail ng sariling pabahay.

“Yung mga kulang na bahay, ay gagawan natin ng paraan. Upang lahat ng nangangailangan ng pabahay ay gagawin natin,” giit ni Pangulong Marcos Jr.

 

 
Mula Pampanga hanggang sa iba pang bahagi ng bansa, nagpapatuloy ang pagpapatupad ng 4PH Program bilang bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na mabawasan ang housing backlog at mapalawak ang pagkakataon ng bawat Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan.

Para sa administrasyon, ang pabahay ay hindi lamang usapin ng pagkakaroon ng bubong na masisilungan, kundi isang pamumuhunan sa kinabukasan ng bawat pamilya — isang pundasyon ng seguridad, dignidad, at mas maayos na pamumuhay.

Sa patuloy na pagpapatupad ng programa, isinusulong ng pamahalaan ang layuning gawing mas inklusibo ang pag-unlad, kung saan mas maraming pamilyang Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong makapagsimula ng panibagong yugto ng kanilang buhay sa loob ng isang ligtas at disenteng tahanan. – VC