
Mayorya ng mga Pilipino ang sumusuporta sa paraan ng pagtugon ng pamahalaan sa alitan sa West Philippine Sea (WPS), batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research.
Ayon sa Tugon ng Masa Survey na isinagawa noong Abril 22 hanggang 24, lumalabas na 66% ng mga Pilipino ang sumasang-ayon sa naging pagtugon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sigalot sa WPS.
Samantala, 13% ng mga respondent ang nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa naging hakbang ng pamahalaan, habang 19% naman ang nagsabing hindi nila tukoy kung sila ay sang-ayon o hindi.
Batay sa resulta ng survey, pinakamataas ang antas ng pagsang-ayon sa National Capital Region (NCR) na may 70%, sinundan ng Balance Luzon na may 68%, Visayas na may 65%, at Mindanao na may 62%.
Naitala naman sa Mindanao ang pinakamataas na porsyento ng mga hindi sumasang-ayon sa 19%.
Isinagawa ang survey sa 1,200 respondent na edad 18 pataas, at may ±3% margin of error sa 95% confidence level.
Ayon sa OCTA Research, inilabas ang resulta ng survey bago ang ika-10 anibersaryo ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12, 2016, na kumilala sa exclusive sovereign rights ng Pilipinas sa WPS sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Layunin ng survey na alamin kung nananatiling suportado ng publiko ang tugon ng pamahalaan sa usapin ng WPS makalipas ang isang dekada mula nang mailabas ang arbitral ruling.
“This release comes as the nation marks the 10th anniversary of the 2016 Permanent Court of Arbitration ruling. The question this release answers is whether the Filipino public still stands behind the national government’s response, 10 years on,” ayon sa OCTA. – VC











