
Natuldukan na ang ilang dekadang paghihintay ng 684 pamilya sa lot ownership matapos ipagpatuloy ng pamahalaan ang pamamahagi ng Certificates of Lot Award (CELA) at Certificates of Entitlement (COE) para sa mga lupang sakop ng Presidential Proclamations sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program.
Ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang mga inisyatiba sa pabahay at tugunan ang matagal nang suliranin ng informal settler families.
Kabilang sa mga unang benepisyaryo ang mga residente ng Los Baños, Laguna; Lucena City, Quezon; Narra, Palawan; at Jaro, Iloilo City, na sakop ng Presidential Proclamations Nos. 550, 436, 574, at 1538.
Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling na hindi lamang pagtatayo ng mga bagong pabahay ang layunin ng 4PH program kundi pati ang pagbibigay ng katiyakan sa mga pamilyang matagal nang naghihintay na maging ganap na may-ari ng lupang kanilang tinitirhan.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., patuloy nating pinapabilis ang pagbibigay ng seguridad sa paninirahan upang mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng mas may dignidad na pamumuhay para sa mas maayos at mas matatag na kinabukasan,” dagdag ng kalihim.
Batay sa tala ng ahensya, mula 2019 hanggang 2022 ay 24 lamang ang nabigyan ng CELA o COE dahil sa iba’t ibang hamon sa implementasyon, kabilang ang epekto ng pandemya at pagkakaantala dulot ng ibang prayoridad ng programa.
Gayunman, sa ilalim ng pinalawak na 4PH program, umabot na sa 684 benepisyaryo ang nabigyan ng mga kaukulang dokumento sa loob lamang ng wala pang isang taon.
Sa kabuuang bilang, 218 ang mula sa Los Baños; 58 sa Narra; 213 sa Jaro at 195 sa Lucena City.
Ayon sa DHSUD, karamihan sa mga benepisyaryo ay ilang dekada nang naninirahan sa mga naturang lugar, bago tuluyang mabigyan ng dokumentong nagpapatunay ng kanilang karapatang manirahan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang DHSUD sa pagproseso ng iba pang Presidential Proclamation sa ilalim ng 4PH program, habang inaasahan ang karagdagang pamamahagi ng mga sertipiko sa mga susunod na buwan bilang bahagi ng pagpapatupad ng programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa. – VC











