IBCTV13
www.ibctv13.com

Abot-kayang pautang at iba pang suporta sa mga magsasaka ng tubo, hatid ng Landbank Agrisenso Plus Lending Program

Michael Peronce
49
Views

[post_view_count]

Landbank President and CEO Lynette Ortiz and CSCI President Terence Uygongco led the signing of Memorandum of Agreement for better access to affordable financing of sugarcane farmers in Western Visayas last July 9. (Photo Courtesy from Landbank)

Hindi na magiging mahirap pa ang pagkuha ng puhunan ng mga magtutubo sa Western Visayas sa ilalim ng Landbank Agrisenso Plus Lending Program, kasunod ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Landbank at Capiz Sugar Central, Inc. (CSCI). 

Pinangunahan ang paglagda nina Landbank President and CEO Lynette Ortiz at CSCI President Terence Uygongco, kasama sina Landbank EVP Charlotte Conde at CSCI General Counsel Atty. Venir Cuyco nitong Hunyo 9.

Sa pamamagitan ng nasabing kasunduan, mas mapapalawak pa ang access ng mga magsasaka ng tubo sa abot-kayang pautang at iba pang suportang pang-agrikultura. 

Magsisilbing Anchor Firm ang CSCI upang maging daan sa pagkuha ng pautang ng mga magsasaka mula sa naturang state-owned universal bank sa pamamagitan ng: 

  • Pag-endorso ng mga kwalipikadong benepisyaryo
  • Pagtulong sa pagproseso ng requirements
  • Pagtiyak sa maayos na pagbabayad ng mga pautang 

Sa ilalim ng Agrisenso Plus Lending Program, maaaring matulungan ang mga magsasaka, mangingisda, kooperatiba, agrarian reform beneficiaries (ARBs), at maliliit na negosyo na makakuha ng abot-kayang pautang, libreng insurance, pagsasanay, at sa paghahanap ng merkado. 

Ang inisyatiba ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapalakas ang produksyon ng pagkain at mapalawak ang access sa puhunan sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program ng pamahalaan.

Batay sa pinakahuling tala noong Mayo 2026, mahigit P4.2 bilyon na ang naipahiram ng Landbank sa mahigit 15,300 benepisyaryo sa buong bansa sa ilalim ng nasabing programa. – VC