
Maglulunsad ang Department of Education (DepEd) ng active shooting drills sa mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng pinalakas na hakbang upang maprotektahan ang mga mag-aaral at kawani mula sa posibleng insidente ng karahasan sa loob ng mga eskwelahan.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ilulunsad sa Biyernes, Hulyo 10, ang bagong protocol na magsisilbing gabay sa mga estudyante, guro, at iba pang school personnel sa tamang dapat gawin sakaling magkaroon ng aktibong pamamaril sa loob ng paaralan.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang mga programa para sa kaligtasan ng mga mag-aaral matapos ang serye ng krimen sa ilang paaralan sa bansa.
Kabilang dito ang naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlong mag-aaral ang nasawi at ilan pa ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang estudyante.
Ayon kay Angara, ang naturang insidente ang kauna-unahang naitalang school shooting sa bansa na isinagawa mismo ng isang mag-aaral, dahilan upang magpatupad ang kagawaran ng mas mahigpit na mga panuntunan.
“Nag-adjust tayo kasi ito ‘yung kauna-unahang school shooting. Ibig sabihin ‘yung estudyante ‘yung namaril,” ani Angara.
Bukod sa shooting drills, paiigtingin din ng DepEd ang mga protocol sa pagtugon sa mga bomb threat sa mga paaralan.
“Doon naman sa bomb threats, hihingi tayo ng tulong sa PNP kasi dumarami rin ‘yung mga bomb threat. ‘Yung iba talagang automatic ay magsususpinde sila ng klase, yung iba naman ang ginagawa nila ay tinatawag nila yung SWAT team,” ayon kay Angara.
Nauna nang ipinangako ng DepEd na makikipag-ugnayan ang kanilang ahensya sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan sa mga eskwelahan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng presensya ng mga pulis. – VC











