IBCTV13
www.ibctv13.com

Analog Switch Off sa Mega Manila, mangyayari na sa darating na Nobyembre – NTC

104
Views

[post_view_count]

The National Telecommunications Commission (NTC) has announced that the analog switch-off (ASO) for Mega Manila will begin in November, marking the country’s historic transition to Digital Terrestrial Television Broadcast (DTTB). (File photo of Canva)

Opisyal nang sisimulan sa Nobyembre ang unti-unting pagwawakas sa analog television (TV) broadcast sa Mega Manila bilang bahagi ng paglipat ng bansa sa Digital Terrestrial Television Broadcasting (DTTB), ayon sa National Telecommunications Commission (NTC).

Saklaw ito ng unang yugto ng Analog Switch-Off (ASO), na magtatapos sa mahigit 70 taon ng analog TV broadcasting sa Pilipinas.

Kabilang sa sakop ng unang bahagi ng ASO ang lahat ng lungsod at munisipalidad sa National Capital Region (NCR), Bulacan at Cavite, gayundin ang mga lugar sa Pampanga, Laguna, Bataan at Rizal na naaabot ng signal ng mga istasyon ng telebisyon sa Metro Manila.

Ayon sa NTC, nasa 80% ng mga kabahayan sa Mega Manila ang nakatatanggap na ng digital TV signal, kaya ito ang napiling unang lugar para sa pagpapatupad ng ASO.

Dahil dito, pinapayuhan ng komisyon ang mga gumagamit ng analog TV na gumamit ng digital TV-ready receiver smart TV o set-top box (STB) upang patuloy na makatanggap ng mga digital TV signal.

Samantala, maaari pa ring gamitin ang mga kasalukuyang analog TV sa pamamagitan ng pagkonekta ng angkop na STB.

Hindi naman maapektuhan ng ASO ang mga subscriber ng cable TV, direct-to-home (DTH), direct-to-use (DTU) at iba pang katulad na pay-TV services.

Sa ilalim ng digital broadcasting, inaasahang gaganda ang kalidad ng larawan at pagtanggap ng signal, habang mas maraming programa ang maihahatid sa pamamagitan ng iisang broadcast channel.

Ang tagumpay ay kasunod ng pagpapatibay ng NTC sa Integrated Services Digital Broadcasting Terrestrial (ISDB-T), DTTB standard na nagmula sa Japan noong 2013.

Sa ilalim ng DTTB, maaaring maghatid ang isang 6 MHz channel ng maraming digital TV program, depende sa configuration ng transmission at video quality.

Sa angkop na configuration, maaari itong maglaman ng hanggang anim na standard-definition (SD) program o isang high-definition (HD) program.

Ayon sa NTC, layunin ng paglipat sa digital broadcasting na mapahusay ang libreng serbisyo ng free-to-air television sa bansa at matulungan ang industriya na makasabay sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya. – MP