
Iniugnay ni RCBC Chief Economist Michael Ricafort ang kampanya kontra korapsyon at pagpapatupad ng good governance ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglipat sa upper-middle-income country (UMIC) category ng bansa.
Matatandaang iniulat ng World Bank nitong Miyerkules, Hulyo 1, na opisyal nang nakapasok ang Pilipinas sa UMIC tier matapos pumalo sa $4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng bansa, mas mataas sa itinakdang $4,636 na threshold.
Ayon sa ekonomista, kabilang sa mga naging hakbang ng administrasyon ang mas mahigpit na pagbabantay sa paggastos ng gobyerno upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo.
Ipinaliwanag niya na ang naging underspending ng pamahalaan ay bahagi ng hakbang upang hindi mapunta sa katiwalian ang pondo, lalo na matapos lumabas ang mga isyu ng maanomalyang flood control projects nitong nakaraang taon.
“Importante ito, ‘yung good governance. It’s a whole-of-country approach kasi ito ‘yung naging problema last year sa anomalies sa flood control projects. Kaya nga nag-underspend ang government para hindi na maisahan, hindi na mapunta sa corruption. Naging mas maingat sila,” ani Ricafort.
Dagdag pa niya, mas naging maayos din ang proseso ng pag-apruba sa national budget ngayong taon.
“Kaya ‘yung national budget this year, in-approve ‘yan January 5. Wala na ‘yung mga dating insertions. Malinis na,” aniya.
Noong Setyembre 11, 2025, nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order No. 94 na lumikha sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang fact-finding body na nagsiyasat sa mga iregularidad sa flood control projects sa bansa.
Layunin ng komisyon na tiyakin ang transparency at pananagutan sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura, gayundin ang pagpapahusay sa implementasyon ng mga ito upang maprotektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha. – VC











