Pinuri ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Proclamation No. 818 na nagdedeklara sa buwan ng Mayo kada taon bilang Ease of Doing Business (EODB) month.
Sa ilalim nito, itinalaga ang ARTA bilang pangunahing ahensya ng pamahalaan na mangangasiwa sa nasabing mahalagang pagdiriwang.
Dito ay inatasan ang lahat ng national government agencies (NGAs), government-owned and -controlled corporations (GOCCs), at local government units (LGUs) na makipagtulungan sa ARTA sa pagpapatupad ng mga programa at inisyatibong may kaugnayan sa EODB month.
Kabilang sa responsibilidad ng ARTA ang pag-organisa sa mga aktibidad sa buong buwan upang itaas ang kamalayan ng publiko patungkol sa EODB Law, gayundin ang pagkilala sa pagsisikap ng pamahalaan na mapahusay ang ‘ease of doing business’ sa bansa.
Patuloy naman na magbibigay ng pagkilala ang ARTA sa mga lokal na pamahalaan na sumusunod sa electronic Business One-Stop Shop (eBOSS) at isusulong ang pagtatayo ng BOSS.
Maliban dito, maglulunsad ang ahensya ng electronic Complaints Management System (eCMS) at Ease of Doing Business Portal para mapabilis ang digital transformation sa mga serbisyo ng gobyerno.
Sa darating na Mayo 2025 ang ika-pitong taong anibersaryo ng pagkakasabatas ng Ease of Doing Business Law sa bansa na nilagdaan noong Mayo 28, 2018. – VC