
Naglabas ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng mga bagong patakaran para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas noong Setyembre 12, na nagbibigay-daan sa pamahalaan na kumilos bago pa man tumama ang isang malaking kalamidad.
Layunin nitong mapabilis ang paghahanda at pagtugon ng pamahalaan sa mga lugar na mataas ang posibilidad na maapektuhan ng matinding hazard, batay sa weather at scientific forecasts.
Sa ilalim ng batas, maaaring ideklara ng Pangulo ang State of Imminent Disaster sa rekomendasyon ng NDRRMC o ng mga local chief executive, at sa payo ng mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon sa implementing rules and regulations (IRR), maaaring agad na ipatupad ng pamahalaan ang mga kinakailangang hakbang bago pa dumating ang inaasahang kalamidad o matapos mismo ideklara ang State of Imminent Disaster.
Kabilang dito ang pagbibigay ng maaga at malinaw na babala sa publiko, paghahanda at pagdadala ng mga suplay at kagamitan sa mga posibleng maapektuhang lugar, at maagang paglikas ng mga residente.
Nakasaad din sa bagong patakaran ang evacuation protocols, camp coordination and management, at pagtugon sa mga pangangailangan ng internally displaced persons.
Inaatasan naman ang Accredited Community Disaster Volunteers (ACDVs), civil society organizations (CSOs), pribadong sektor at iba pang volunteer groups na tumulong sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa maagang paghahanda sa kalamidad.
Samantala, ang Office of Civil Defense (OCD) ang itinalagang manguna sa monitoring, reporting at evaluation ng mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng State of Imminent Disaster.
Sa loob ng 45 araw matapos alisin ang deklarasyon, kailangan namang magsumite ang mga kaukulang ahensya ng ulat sa OCD tungkol sa mga isinagawang hakbang, paggamit ng pondo at tinatayang epekto ng hazard sa ekonomiya at mamamayan.
Para naman sa mga local government unit (LGU), maaari silang maglaan ng hanggang 10% ng 70% ng kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) para sa anticipatory actions o mga hakbang na isinagawa bago pa tumama ang kalamidad. – VC











