IBCTV13
www.ibctv13.com

DepEd, isinusulong ang mga long-term solution para maiwasan ang karahasan sa mga paaralan

112
Views

[post_view_count]

Buenavista National High School in Tacloban City conducts an inspection as part of its efforts to strengthen campus security. (Photo courtesy of DepEd)

Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang mga long-term solution upang maiwasan ang karahasan at mapalakas ang seguridad ng mga mag-aaral at guro sa mga paaralan.

Ayon kay DepEd Undersecretary for Governance and Operations Dr. Malcolm Garma, patuloy na pinauunlad ng kagawaran ang mga programa at mekanismo para matiyak ang ligtas na learning environment sa mga bata.

“Tuloy-tuloy ang ating ginagawa para siguruhin na ligtas ang ating paaralan para sa ating mga mag-aaral at mga guro. So isa talagang tinututukan ay mapaunlad ang security measures,” ani Garma.

Kabilang sa mga hakbang na tinututukan ng DepEd ang pagpapalakas ng mental health at counseling programs.

Target ng kagawaran na magbukas ngayong taon ng 10,000 guidance counselor position sa mga paaralang higit na nangangailangan ng counseling interventions, batay sa datos ng DepEd.

Pinag-aaralan din ang paglalagay ng karagdagang security personnel, kabilang ang mga barangay tanod at security guards, gayundin ang pagpapalawak ng paggamit ng closed-circuit television (CCTV) cameras at metal detectors sa mga paaralan.

Kasabay naman na pinalalakas ng DepEd ang koordinasyon nito sa Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang ahensya bilang bahagi ng whole-of-government approach sa pagpapanatili ng seguridad sa mga paaralan.

Sa panganib sa digital platforms, naglunsad ang DepEd ng Digital School Safety Campaign na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga magulang tungkol sa online activities ng kanilang mga anak tulad ng mga content na naa-access nila.

Nakikipagtulungan ang DepEd sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at PNP upang matukoy ang mga online groomer at makatulong na mabawasan ang panganib na dulot ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral. – VC