
Kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 10 mga guro, sundalo at pulis bilang bagong Outstanding Filipinos ng Metrobank Foundation ngayong 2026 dahil sa kanilang natatanging ambag sa serbisyo-publiko.
Sa seremonya ng paggawad ng Medallion of Excellence sa Malacañang ngayong Martes, Setyembre 29, sinabi ng Pangulo na nagsisilbing mga frontliner sa “nation-building” ang mga pinarangalan dahil sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa kani-kanyang larangan.
Ayon sa Pangulo, ipinakita ng mga awardee na ang paglilingkod sa bansa ay hindi lamang nagaganap sa matataas na tanggapan ng pamahalaan kundi maging sa mga paaralan, institusyon at komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.
“They all wear different uniforms but share the same instinct: to serve our people above all else,” ani Pangulo.
Kabilang sa mga kinilala ng Metrobank Foundation ang mga gurong bumuo ng mga bagong pamamaraan upang mapadali at mapabuti ang pagkatuto ng mga estudyante.
Para nama sa kasundaluhan, binanggit ng punong ehekutibo ang kanilang mga ambag sa pagpapahusay ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, paggamit ng digital technology at paghahanda para sa mga operasyon sa West Philippine Sea.
Sa hanay naman ng pulisya, kinilala ang mga programa para sa pag-iwas sa krimen, partikular ang mga hakbang na nakatuon sa paggabay at pagprotekta sa mga kabataan.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang ambag ng mga awardee sa mga programa ng administrasyon na naglalayong suportahan ang mga guro, palakasin ang security forces at mapanatiling ligtas ang mga komunidad.
“Your fellow Filipinos see you and are grateful for all that you have done and continue to do,” ani Pangulo.
Sa huli, hinimok ang mga pinarangalan na ipagpatuloy ang kanilang paglilingkod at magsilbing inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng kanilang halimbawa sa serbisyo-publiko.
Nagpasalamat naman ang Pangulo sa Metrobank Foundation sa patuloy nitong pagkilala sa mga Pilipinong may natatanging ambag sa bayan.
Mahigit apat na dekada nang nagbibigay ng pagkilala ang Metrobank sa mga Pilipinong nagpapamalas ng natatanging kontribusyon sa bansa. – MP











