
Maglulunsad ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Pag-IBIG Fund ng bagong scheme sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program upang matulungan ang mga developer na maibenta ang kanilang mga hindi pa nabebentang condominium unit.
Layunin ng programa na mabawasan ang bilang ng mga bakanteng condominium unit, partikular sa Metro Manila, habang nagbibigay ng mas maraming opsyon sa mga Pilipinong naghahanap ng sariling tahanan.
Saklaw ng bagong 4PH scheme ang mga condo unit na nasa prime locations at nagkakahalaga ng hanggang P3 milyon.
Maaari itong bilhin ng mga kwalipikadong homebuyer sa pamamagitan ng mga housing loan program ng Pag-IBIG Fund na nag-aalok ng mababang interest rate.
Ayon kay DHSUD Secretary Ramon Aliling, binubuo pa ng DHSUD at Pag-IBIG Fund ang mga detalye at panuntunan para sa pagpapatupad ng bagong scheme.
“It will be a win-win balance for our stakeholders—the homebuyers and developers,” ani Aliling.
Inilahad ni Aliling ang plano sa pagpupulong ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Real Estate Group na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Martes, Setyembre 22.
Sa pagpupulong, sinabi ni Ayala Land Inc. President Meanne Dy na malaking tulong sa sektor ng real estate ang mga housing loan program ng Pag-IBIG Fund na may mababang interest rate.
Nagpahayag din ng kahandaang magbaba ng presyo ang ilang malalaking developer upang makasali sa bagong programa. – VC











