
Pinagtibay ng pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang suporta nito sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa inklusibo at may pananagutang pamamahala sa paglulunsad ng National Government–Bangsamoro Government Convergence Program sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ngayong Miyerkules, Hulyo 22.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua na dapat magkaisa ang lahat sa pagsusulong ng mabuting pamamahala upang mapalakas ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
“We should be one with the vision of our President, His Excellency Ferdinand R. Marcos, Jr., to promote inclusive and accountable governance. Indeed, together, we can make a difference for our Bangsamoro people,” ani Macacua.
Sa seremonya, pinangunahan ng Pangulo ang paglulunsad ng convergence program, na tampok ang simbolikong turnover ng humigit-kumulang P3.4 bilyong halaga ng iba’t ibang tulong pinansyal para sa mga programa at proyekto sa rehiyon.
Sinabi ni Macacua na napagkasunduan ng mga opisyal na pagsama-samahin ang kanilang mga yaman upang mapalawak at mapabilis ang paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa publiko.
Aniya, inaasahang makatutulong ang programa sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga Bangsamoro at sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga tanggapan ng pamahalaan sa rehiyon na maisakatuparan ang kanilang mga mandato.
Kabilang sa mga makikinabang ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Infrastructure Program, Ministry of Transportation and Communications (MOTC), at iba pang programa at proyektong ipinatutupad ng Bangsamoro Government.
Hinimok din ni Macacua ang mga opisyal at lahat ng ministry ng BARMM na ipagpatuloy ang paglilingkod nang may layunin, malasakit, at pagtutok sa kapakanan ng mamamayan.
“I enjoin all the ministries in the BARMM government to serve with a purpose, to serve with a heart, and to prioritize the welfare of our beloved Bangsamoro people,” ani Macacua.
Binigyang-diin niya na nananatiling prayoridad ng pamahalaang Bangsamoro ang serbisyong publiko at ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente ng rehiyon.
Nagpasalamat din ang punong ministro kay Pangulong Marcos Jr. sa pagbisita sa BARMM sa kabila ng abalang iskedyul nito.
“The Bangsamoro Government would like to express its heartfelt gratitude to our President for taking the time to visit our beloved region, even amidst your busy schedule and the demands of your responsibilities. I am indeed honored to welcome His Excellency and the different Ministers of BARMM,” ani Macacua. – VC











