Iginiit ng Bestlink College of the Philippines na hindi totoo at gawa-gawa lamang ang mga kumalat na balita sa social media patungkol sa kanilang 23rd Founding Anniversary na isinagawa sa Punta Belle, Hermosa, Bataan nitong Enero 26.
Sa kanilang opisyal na pahayag, sinabi ng Bestlink na nagdulot ng ‘misinformation’ at ‘disinformation’ ang mga naglipanang ulat na anila’y may intensyong sirain ang reputasyon at imahe ng paaralan.
“We wish to clarify that these reports are not true, fabricated as they are, since they do not reflect what actually happened on the ground at the time,” saad ng Bestlink.
Bukas ang administrasyon ng Bestlink College para sa anumang fact-finding investigation upang malaman ang totoong nangyari bago at pagkatapos ng nasabing kaganapan.
“This can be done in particular by the Local Government of Hermosa, Bataan, which has adequate, relevant, and material information on the matter,” saad nito.
Nagpaabot na ng simpatya at paumanhin ang paaralan para sa kanilang mga mag-aaral at pamilya nito, gayundin sa mga residente ng Punta Belle.
Tiniyak ng Bestlink na gagawin nilang prayoridad ang pagpaplano at pagsasagawa nang maayos ng mga susunod na aktibidad upang hindi na maulit ang pangyayari.
Matatandaang nag-viral online ang video ng mga mag-aaral habang naglalakad nang dis-oras ng gabi dahil walang masakyan pauwi matapos ang kanilang school event. – VC