
Nagpatupad na ng mga hakbang ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Inday, upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at tuloy-tuloy na operasyon ng mga paliparan.
Ayon sa CAAP, inatasan na ang mga apektadong CAAP-operated airports na tiyaking maayos ang mga communication equipment, navigational facilities, control towers, at iba pang mahahalagang imprastraktura laban sa posibleng pinsalang dulot ng malalakas na hangin at matinding pag-ulan.
Bahagi ito ng umiiral na weather contingency procedures ng ahensya, at alinsunod sa direktiba nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez.
Sa kasalukuyan, nananatiling normal ang operasyon sa mga paliparan.
Gayunman, patuloy na binabantayan ng CAAP ang galaw at lagay ng panahon upang agad na makapagpatupad ng karagdagang hakbang kung kinakailangan.
Pinapayuhan ng ahensya ang mga pasahero na regular na subaybayan ang mga flight advisory at weather update upang maging handa habang nananatili ang banta ng bagyo.
Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Bagyong Inday na huling namataan sa silangan ng Northern Luzon, sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), batay sa 11 a.m. TC-formation outlook ng ahensya.
Inaasahang lalabas din ng PAR ang bagyo sa Sabado, Hulyo 11, at tatama sa eastern coast ng mainland China sa Linggo, Hulyo 12. – VC











