
Normal na bahagi ng kasaysayan ng mundo ang climate change, ngunit nagiging problema ito dahil sa bilis ng pagbabago na maaaring hindi masabayan ng kakayahan ng mga tao na makaangkop, ayon kay Climate Change Commission (CCC) Commissioner Albert Dela Cruz Sr.
“Ang climate change ay kasama na sa kwento ng daigdig. It is part of the history of the planet. Naging problema siya dahil sa bilis ng pagbabago,” ani Dela Cruz.
Ipinaliwanag ni Dela Cruz na kapag hindi nakakaangkop ang mga tao sa mabilis na pagbabago ng klima, maaari itong humantong sa maladaptation.
Iniugnay niya ang sitwasyon ng maladaptation sa kwento ng isang palaka na inilagay sa umiinit na balanga.
“Si palaka ay inilagay sa balanga. Akala ni palaka nagswi-swimming siya, pero unti-unting inaapuyan yung balanga, akala ni palaka siya ay okay, hanggang sa naging tinola si palaka,” ani Dela Cruz.
Binigyang-diin ng commissioner na mahalaga na maagang maabisuhan ang publiko upang makapaghanda sa mga epekto ng Super El Niño.
Ayon sa CCC, mayroon nang inihahandang framework ang komisyon na magagamit ng mga mag-aaral at guro upang maging gabay sa climate phenomenon tulad ng National Action and Adaptation Plan at Local Climate Change Action Plan.
Sinasaklaw ng mga framework ang mga pangunahing sektor sa ilalim ng AWITFE (Agriculture, Waste, Industry, Transport, Forestry, and Energy), na kumakatawan sa agriculture, waste management, industry, transportation, food security, at energy.
Samantala, sinabi ni Dela Cruz na patuloy naghahanap ang CCC ng mga posibleng polisiya katuwang ang National Food Authority (NFA) upang mapalawak ang food security, kabilang ang pag-aaral sa paggamit ng mga resilient crops na mas kayang umangkop sa nagbabagong kondisyon ng klima.
Para suportahan ang mga hakbang sa climate adaptation, may People’s Survival Fund (PSF) din ang CCC, na nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 10174 at pinopondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA).
Maaaring gamitin ang PSF para sa mga climate adaptation program ng mga local government unit, iba’t ibang sektor, at state universities. – VC











