
Isinasapinal na lamang ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga huling paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakdang ganapin sa Setyembre 14.
Ayon kay COMELEC Chairperson Atty. George Garcia, nakikipag-ugnayan na ang poll body sa mga security at energy sector upang matiyak ang seguridad at tuluy-tuloy na operasyon ng mga voting machine sa araw ng halalan.
“Kahapon nakipagpulong po tayo sa security sector at sa ating energy sector upang siguraduhin, lalong-lalo na, walang maging brownout sa mismong araw ng elections sa September 14,” ani Garcia.
Tiniyak ni Garcia na may kakayahan ang mga voting machine na gumana nang hanggang tatlong araw kahit mawalan ng suplay ng kuryente.
Isa sa pinakamahalagang paghahanda bago ang halalan ang final testing at sealing na isasagawa sa Setyembre 12.
Sa naturang proseso, susubukan ang lahat ng vote-counting machine na gagamitin sa 5,212 clustered precincts sa buong BARMM upang matiyak na maayos ang kanilang operasyon bago tuluyang selyuhan para sa araw ng botohan.
Ayon kay Garcia, mga guro ang magsasagawa ng pagsusuri sa mga makina sa bawat presinto, kung saan gagamit ng tig-10 orihinal na balota at aktuwal na mga botante upang subukan ang buong proseso ng pagboto.
“Diyan po malalaman natin kung bumibilang ng tama ang mga makina, kung ang mga balota ba ay tinatanggap ng mga makina, at kung ‘yung mga makina ba ay makakapag-transmit ng mga resulta effectively pagdating ng gabi ng araw ng eleksyon,” paliwanag ni Garcia.
Hindi tulad ng presidential system sa national government, gumagamit ang BARMM ng parliamentary system na may tinatawag na fusion of powers, kung saan ang Chief Minister at mga pinuno ng ministries ay bahagi mismo ng parliament.
Sa halalan, pipili ang mga botante ng 40 political parties, 32 parliamentary district representatives at walong kinatawan mula sa sectoral organizations.
Tampok din sa halalan ang ilang natatanging probisyon, kabilang ang requirement na kailangan ang 40% ng mga nominado ng political parties ay kababaihan, gayundin ang pagbabawal sa political dynasty hanggang ikalawang antas ng consanguinity o affinity.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng halalan sa kasaysayan ng rehiyon, idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Setyembre 14 bilang Special Non-Working Day sa BARMM. – VC











