
Pinahintulutan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pag-aangkat ng 3,000 metriko tonelada ng pulang sibuyas at 1,000 tonelada ng puting sibuyas na inaasahang darating sa susunod na dalawang linggo upang matiyak na mayroong sapat na buffer stock habang hinihintay ang sariwang ani sa bansa.
Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng hakbang na ito upang maiwasan ang kakulangan sa suplay ng sibuyas na maaaring magdulot ng muling pagsipa sa presyo nito.
“We will not risk a potential shortage that unscrupulous traders could exploit to drive up prices, as we saw in the past. We do not want a repeat of the 2022 crisis,” saad ni Laurel.
Matatandaang taong 2022 nang tumaas sa record-high na P700 kada kilo ang presyo ng sibuyas dahil sa kakulangan sa suplay na pinalala pa ang naantalang importasyon.
Sa datos ng Bureau of Plant Industry (BPI), aabot sa 8,500 metric tons ang suplay ng pulang sibuyas habang nasa 1,628 metric tons naman ang puting sibuyas.
Inaasahang tatagal na lamang hanggang Pebrero ngayong taon ang naaning pulang sibuyas noong 2024.
Ayon kay BPI Director Glenn Panganiban, nakikitang aani pa ang bansa ng 33,000 metriko tonedalang sibuyas sa darating na Marso. – VC