IBCTV13
www.ibctv13.com

DA, nakatakdang mamahagi ng fuel subsidy sa mga magsasaka, mangingisda, at agri-truckers simula Oktubre

392
Views

[post_view_count]

File photo of DA

Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) ang nakatakdang pagpapatupad ng fuel subsidy program para sa mga magsasaka, mangingisda, at agricultural truckers bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay DA Undersecretary for Agro-Marine Industrial Systems Arrey Perez, nagbigay na ng go signal si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa P1 bilyong pondo para sa bawat sektor, o kabuuang P3 bilyon.

Para sa mga magsasaka, magbibigay ang DA ng P5,000 one-time assistance sa pamamagitan ng Interventions Monitoring Card (IMC).

Inaasahang sisimulan ang rollout sa Nobyembre, ngunit target ng ahensya na mapabilis ito at posibleng masimulan ngayong Oktubre, kasabay ng planting season.

Para naman sa mga mangingisdang may awtorisadong fishing boats, makatatanggap sila ng P9,350 na cash assistance.

Ang agri-truckers at food-lane operators naman ay makatatanggap ng hanggang P2,000 kada linggo, katumbas ng 20 litro ng gasolina na may P10 diskwento kada litro.

Gagamit din sila ng IMC card na may laman nang subsidy at maaaring gamitin sa mga gasolinahang may point-of-sale (POS) terminals.

Kailangan lamang magpakita ng patunay na sila ang may-ari o umuupa ng kanilang mechanized agricultural equipment.

Tinatayang 300,000 benepisyaryo mula sa tatlong sektor ang makakatanggap ng ayuda.

Para mapabilis ang pamamahagi, magsasagawa ang DA, katuwang ang Development Bank of the Philippines (DBP), ng mga caravan kung saan maaaring iproseso at i-print ang IMC cards.

Kasabay ng fuel subsidy program, inihahanda ng DA ang mga hakbang upang mapanatili ang produksyon at suplay ng pagkain sa harap ng inaasahang epekto ng Super El Niño.

Kabilang sa mga hakbang ang pagpapalakas ng farm-to-market roads at pagdagdag ng solar-powered irrigation systems upang makatulong sa mga lugar na maaaring makaranas ng kakulangan sa tubig.

Maglalagay din ang DA ng modular cold storage facilities sa mga piling lugar upang makatulong sa tamang pag-iimbak ng mga ani at mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka.

Samantala, magpapatupad ang DA ng mga proyekto para sa ice plants at iba pang post-harvest facilities.

Hinimok naman ni Perez ang mga magsasaka, mangingisda, at agri-truckers na makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan upang malaman ang mga mapapakinabangan na programa at proseso sa iba pang mga tulong ng pamahalaan. – VC