
Naghahanda ang Department of Agriculture (DA) ng alternatibong kabuhayan para sa mga magsasakang posibleng lubhang maapektuhan ng inaasahang Very Strong El Niño.
Sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE), planong isailalim sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program ang mga magsasakang pansamantalang hindi makapagtatanim sa panahon ng tagtuyot.
Layunin ng hakbang na mabigyan ng pansamantalang pagkakakitaan ang mga magsasaka habang hindi nila magamit ang kanilang mga sakahan, sa halip na malugi dahil sa kawalan ng ani.
Ayon kay DA Spokesperson and Assistant Secretary Arnel de Mesa, sisikapin ng DA na iayon sa kakayahan at karanasan ng mga magsasaka ang mga trabahong ipagkakaloob sa kanila.
“Depende sa skill nila. Alam natin, sanay sila sa gawaing bukid. Ang wino-workout natin with DOLE, works na related sa field pa rin na hindi na kailangang magtanim,” ani De Mesa.
Matatandaang nauna nang humiling ang DA ng P45 bilyong pondo upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na haharap sa inaasahang tagtuyot hanggang unang bahagi ng 2027.
Kasama sa kahilingan ang pagbibigay ng fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at nakaranas ng tagtuyot sa Luzon.
Ayon sa DA, sinimulan na nilang ipamahagi ngayong linggo ang fuel subsidy para sa mga rehistradong mangingisda, habang inaasahang mailalabas ang ayuda para sa mga magsasaka sa huling bahagi ng Oktubre o sa Nobyembre.
Kabilang ang Ilocos Region, Cagayan Valley at Western Visayas sa mga naunang tinukoy ng DA na posibleng maapektuhan ng El Niño. – VC











