
Dalawang tropical cyclone ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Oktubre, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Huwebes, Oktubre 1.
Tatawagin ang mga ito sa local name na “Rosal” at “Samuel” batay sa listahan ng mga pangalan ng bagyo ng weather bureau ngayong 2026.
Ayon sa PAGASA, sa oras na mabuo o pumasok, mataas ang posibilidad na tumama sa Luzon at Visayas ang dalawang bagyo.
Samantala, inaasahang magsisimula ngayong unang bahagi ng buwan ang transition period mula Southwest Monsoon o Habagat patungong Northeast Monsoon o Amihan.
Posible namang ideklara ang pagsisimula ng Amihan sa huling bahagi ng Oktubre.
“Pagkatapos ng Habagat ay magsisimula na ‘yong transition period. Itong northeast monsoon ay maaaring magsimula o ‘yong onset nito sa pangalawang bahagi ng buwan ng Oktubre,” ayon sa PAGASA.
Gayunman, maaari pa ring makaapekto sa temperatura sa mga susunod na buwan ang umiiral na El Niño.
Matatandaang nauna nang sinabi ng PAGASA na maaaring lumakas ang kasalukuyang “Strong” El Niño patungo sa “Very Strong” El Niño ngayong huling quarter ng 2026 habang posibleng magpatuloy pa ang naturang climate event hanggang sa unang bahagi ng 2027.
“Dahil active ang El Niño at inaasahang lalakas sa susunod na buwan, maaaring maapektuhan ng El Niño phase ang magiging kalagayan ng ating panahon and ‘yong frequency and behavior ng bagyo,” dagdag ng weather bureau.
Bukod sa Habagat at Amihan, maaari ring makaapekto sa lagay ng panahon sa bansa ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Easterlies, na maaaring magdala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Pilipinas. –IP











