
Bumagal sa 6.4% ang antas ng inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa noong Hunyo mula sa 6.8% noong Mayo, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong araw, Hulyo 7.
Dahil dito, naitala sa 4.8% ang year-to-date average inflation ng bansa.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), pangunahing dahilan ng pagbagal ng inflation ang paghina ng pagtaas ng presyo sa sektor ng transportasyon, na bumaba sa 12.8% noong Hunyo mula sa 16.2% noong Mayo bunsod ng pagluwag ng tensyon sa Middle East.
Samantala, bumagal din ang pagtaas ng presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages sa 5.2% mula sa 5.7% noong nakaraang buwan.
Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio M. Balisacan, mahalaga ang bawat pagbaba ng inflation dahil nagbibigay ito sa pamilyang Pilipino ng mas malaking kakayahang bumili.
“Every percentage point drop in inflation matters to Filipino families. It means household budgets can go further, especially for poor families who spend a large share of their income on food and transportation,” ani Balisacan.
Iniugnay din ng kalihim sa pagbuti ng global conditions at ng coordinated government measures ang 6.4% inflation rate.
Kabilang dito ang pagbibigay ng ayuda para sa mga magsasaka, mangingisda, at transport service providers, gayundin ang pagtanggal ng toll fees para sa mga sasakyang nagdadala ng produktong agrikultural.
Iginiit ni Balisacan na mahalaga ang matatag na suplay ng pagkain upang mapanatiling kontrolado ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, isa sa pinakamabisang paraan upang maprotektahan ang mga mamimili at prodyuser laban sa biglaang pagtaas ng presyo ay ang pagsisikap na mabawasan ang epekto ng mga kalamidad at iba pang pagkaantala sa suplay sa bansa.
Sa ilalim ng El Niño Food Security Action Plan, naglaan ang pamahalaan ng P26.13 bilyon para palakasin ang paghahanda ng sektor ng agrikultura laban sa mga epekto ng mga kalamidad, tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain, mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka at mangingisda, at mapalawak ang acess ng publiko sa abot-kayang pagkain.
Kasabay nito, isinusulong din ng Pilipinas at Japan ang pagtatatag ng isang national strategic petroleum reserve na magsisilbing reserbang suplay ng langis upang mabawasan ang epekto ng mga geopolitical crisis at pagbabago sa presyo ng petrolyo.
Sinabi ni Balisacan na layunin ng pamahalaan na hindi lamang pababain ang inflation kundi mapanatili rin itong mababa at matatag sa pamamagitan ng pagpapalakas ng produksyon ng pagkain, pagpapahusay ng supply chain, at pagpapatibay ng kakayahan ng bansa laban sa mga epekto ng climate change at iba pang krisis.
“By strengthening these foundations, we can help Filipino families plan, save, and prosper with greater confidence,” ayon sa kalihim. – VC











