IBCTV13
www.ibctv13.com

DepEd, ipatutupad ang 4H protocols sa mga paaralan bilang tugon sa banta ng Super El Niño

240
Views

[post_view_count]

The Department of Education (DepEd) 4H Framework, established under DepEd Order No. 014, s. 2026, provides a localized, four-level operational strategy for public schools to balance safety and learning continuity during disasters, extreme weather, and crises. (File photo of PNA)

Ipatutupad ng Department of Education (DepEd) ang 4H Framework upang gabayan ang mga paaralan sa pagpapasya kung magpapatuloy, paiikliin, o sususpindihin ang mga klase sa harap ng banta ng Super El Niño na maaaring tumagal hanggang kalagitnaan ng 2027.

Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 64, s. 2026, inaatasan ang mga school head na araw-araw na subaybayan ang temperatura at humidity sa mga silid-aralan upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral at guro.

Binubuo ang 4H Framework ng apat na antas ng pagtugon sa matinding init: Hayo, Hinay, Hinga, at Hinto, na ibabatay sa naitalang heat index.

Sa antas na Hayo, kung mas mababa sa 27°C ang heat index, magpapatuloy ang regular na face-to-face classes, kasabay ng nakatakdang hydration breaks upang maiwasan ang dehydration.

Sa Hinay level, o kung nasa 27°C hanggang 32°C ang heat index, maaaring paikliin ng mga school head ang oras ng klase o magpatupad ng hybrid at flexible home-based learning schedules.

Samantala, sa Hinga level, na tumutukoy sa heat index na 33°C hanggang 41°C, ititigil ang face-to-face classes at bibigyan ang mga mag-aaral ng mas magagaan na gawaing maaaring tapusin sa bahay.

Sa pinakamataas na antas na Hinto, kung saan umaabot o lumalagpas sa 42°C ang heat index, ganap na sususpindihin ang lahat ng gawaing akademiko, kabilang ang mga gawain na maaaring ipagawa sa bahay.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, layunin ng polisiya na maprotektahan ang kalusugan ng mga mag-aaral at guro habang tinitiyak na magpapatuloy ang pagkatuto ng mga estudyante.

“We cannot afford to wait until extreme heat hits before we act. Our plan this year is proactive, deliberate, and organized,” ani Angara.

Bukod sa 4H Framework, inaatasan din ang mga paaralan na tiyakin ang sapat na suplay ng malinis na inuming tubig at ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng School-Based Feeding Program.

Pinapayagan din ang paggamit ng mas magaan at preskong uniporme, basta’t nananatiling maayos at angkop ang pananamit ng mga mag-aaral.

Para sa agarang pagpapatupad ng mga hakbang, maaaring gamitin ng mga paaralan ang kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), Special Education Fund (SEF) sa pamamagitan ng Local School Boards, at mga pondong nakalaan sa ilalim ng Disaster Preparedness and Response Program (DPRP).

Agad na magiging epektibo ang DepEd Memorandum No. 64, s. 2026 at mananatili ang bisa hanggang sa opisyal na ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtatapos ng El Niño episode para sa 2026–2027. – VC