
Matagumpay na nakumpleto ng Department of Education (DepEd) ang bidding para sa pagbili ng kabuuang 172,654 Apple Macbook Neo laptops na ipamamahagi sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ito ay bahagi ng pagpapatuloy ng computerization project ng kagawaran.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, layunin ng programa na mabigyan ang mga guro ng maayos na laptop upang hindi na nila kailangan gumamit ng sariling pera para bumili o magpaayos ng kanilang mga kagamitan.
“We welcome Apple’s participation in this procurement to bring MacBook Neo to our teachers. It isn’t just about handing out world-class hardware; it’s about giving our educators the best tools, backed by robust training so they can focus on what matters most: teaching our children,” ani Angara.
May limang taong warranty ang mga laptop, mas mahaba kumpara sa karaniwang isang taong warranty ng mga laptop na ibinebenta sa retail market.
Kinumpirma rin ni Apple Chief Executive Officer John Temus ang kasunduan sa DepEd sa kanilang Financial Results Conference Call para sa ikaapat na quarter ng 2026.
Ayon kay Temus, ito ang pinakamalaking education deal ng Apple para sa Mac.
Batay sa datos ng DepEd, umabot na sa 231,725 ang kabuuang bilang ng mga laptop na naipamahagi para sa mga guro.
Kabilang dito ang 169,008 Macbook Neo units at 62,717 Windows-based laptops.
Nakatakdang simulan ang pamamahagi ng mga laptop ngayong Nobyembre at magpapatuloy hanggang Marso 2027.
Nagkakahalaga ng P43,000 ang bawat Macbook Neo na binili ng DepEd, mas mababa ng P6,900 kumpara sa P49,900 retail price ng base model sa Pilipinas.
Kasama rin sa package ang mga productivity tools, delivery at logistics services, at pagsasanay para sa mga gurong gagamit ng laptop.
Dito ay makikipagtulungan ang DepEd sa Apple para sa GuroXL, isang training framework na magsasanay sa mga guro sa paggamit ng teknolohiya sa loob ng silid-aralan.
Sa tulong ng National Educators Academy of the Philippines (NEAP), magkakaroon din ng pagkakataon ang mga guro na makakuha ng Apple Teacher Certifications at iba pang sertipikasyon para sa technology leadership.
Kasabay nito, isasagawa ng DepEd at Apple ang mga cluster at mega-cluster launch sa Luzon, Visayas, at Mindanao simula ngayong buwan, kung saan kabilang sa mga aktibidad ang interactive unboxing sessions para sa mga gurong makatatanggap ng mga laptop. – VC











