IBCTV13
www.ibctv13.com

DOLE, inilunsad ang Hotline 15/30 para sa hinaing at reklamo ng mga manggagawa

233
Views

[post_view_count]

DOLE Secretary Francis N.Tolentino announced the new DOLE Hotline 15/30 to ensure workers nationwide receive swift, direct, and 24/7 support. (Photo courtesy of DOLE)

Mayroon nang maaaring takbuhan ang mga manggagawang Pilipino na nakararanas ng problema sa kanilang trabaho matapos ilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Hotline 15/30, isang national hotline na bukas 24 oras araw-araw.

Sa pamamagitan ng pagtawag sa numerong 1-5-3-0 (15-30), maaaring direktang makipag-ugnayan sa DOLE ang mga manggagawa, employer, at iba pang stakeholder upang maghain ng reklamo, humingi ng tulong, at magtanong tungkol sa kanilang karapatan at obligasyon sa paggawa.

Kabilang sa maaaring idulog sa hotline ang hindi pagbabayad o pagkaantala ng sahod at benepisyo, iligal na pagtanggal sa trabaho, at paglabag sa labor standards.

Tumatanggap din ito ng mga reklamo o alalahanin hinggil sa kaligtasan at kalusugan sa lugar ng trabaho.

Bukas din ang hotline para sa mga gabay sa paghahanap ng trabaho, alamin ang mga programa at serbisyo ng kagawaran, at magtanong tungkol sa mga umiiral na patakaran sa paggawa.

Ayon sa DOLE, ire-refer ang bawat hinaing sa kinauukulang regional o field office nito upang mabigyan ng kaukulang aksyon.

Hango ang pangalang Hotline 15/30 sa ika-15 at ika-30 araw ng buwan, na karaniwang mga petsa ng pagtanggap ng sahod ng karamihan sa manggagawang Pilipino.

Nilinaw naman ng DOLE na hindi lamang sa mga araw ng sahod maaaring tumawag dahil bukas ang linya anumang araw at oras.

Inilunsad din ang hotline sa gitna ng paghahanda ng bansa sa posibleng epekto ng El Niño, na maaaring maglagay sa panganib sa mga manggagawang nasa sektor ng agrikultura, konstruksyon, at iba pang trabahong nabababad sa ilalim ng araw.

Binigyang-diin naman ni DOLE Secretary Francis Tolentino na layunin ng hotline na mailapit sa mga manggagawa ang serbisyo ng kagawaran at matiyak na may masusumbungan ang mga Pilipino kung magigipit sa trabaho.

“Karapat-dapat pakinggan at tulungan ang bawat manggagawang Pilipino, ika-15 man, ika-30, o anumang araw sa pagitan,” ani Tolentino. – VC