IBCTV13
www.ibctv13.com

DOLE, isinusulong ang paglikha ng de-kalidad na trabaho, mas mataas na sahod kasunod ng pagtaas ng May 2026 employment rate

132
Views

[post_view_count]

The Department of Labor and Employment – Davao Region held the Trabaho Agad Job Fair at SM City Davao last June 12, in celebration of the 128th Philippine Independence Day. (Photo courtesy of DOLE Region 8)

Malugod na tinanggap ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino ang resulta ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa Mayo 2026 kung saan umabot sa 49.63 milyon ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho.

Ito ay katumbas ng karagdagang 740,000 manggagawang Pilipino mula sa kabuuang 48.89-M empleyado noong Abril 2026.

Binigyang-diin ni Tolentino na ngayon ang tamang pagkakataon para isentro na ang pokus ng labor strategy ng bansa sa pagbibigay ng mas mataas na sahod, pagpapataas ng produktibidad, at paghahanda sa mga manggagawang Pinoy para sa pangmatagalang pag-unlad ng kanilang karera mula sa simpleng paglikha lamang ng trabaho.

Kasabay ng bumuting antas ng employment, iniulat din ng PSA ang pagbaba sa underemployment rate sa 12.2% noong Mayo mula sa 15.2% noong Abril.

Ibig-sabihin, lumiit sa 1.16-M ang bilang ng mga underemployed, o mga manggagawang naghahanap ng karagdagang trabaho o mas mahabang oras sa trabaho na nangangahulugan lamang ng pagdami ng mas matatag at full-time na trabaho sa bansa.

Bagaman naitala ang unemployment rate na 4.8% o katumbas ng 2.50-M Pilipinong walang trabaho noong Mayo, binigyang-diin ng DOLE ang bumuting antas ng underemployment rate kumpara sa 13.1% sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Kabilang sa mga pangunahing sektor na nagtutulak sa pagtaas ng employment ang konstruksyon, agrikultura, accommodation at food services, health at social work, at administrative support services.

Ayon kay Tolentino, ipinapakita ng mga datos ang katatagan ng labor market sa Pilipinas.

Upang mapanatili ang momentum, palalawakin ng DOLE ang pagpapatupad ng Trabaho Agad Job Fairs sa buong bansa, paiigtingin ang labor education para sa mga magtatapos na estudyante, at palalakasin ang skills training sa pakikipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Isasama rin ng ahensya ang entrepreneurship training sa ilalim ng TUPAD livelihood program, upang matulungan ang mga displaced worker na magkaroon ng sustainable income.

Binigyang-diin ni Tolentino na ang kamakailan lamang na pagkamit ng Pilipinas ng upper-middle-income status ay nagbibigay ng pagkakataon upang higit pang mapaunlad ang labor market ng bansa.

Aniya, layunin ng pamahalaan na matiyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ay magbubunga ng mas maraming de-kalidad na trabaho, mas mataas na produktibidad, mas competitive na manggagawa, at mas maayos na kabuhayan para sa bawat Pilipino.

“The Philippines’ attainment of upper-middle-income status is a testament to the country’s sustained economic progress. Our task now is to ensure that this milestone translates into more quality employment, higher productivity, stronger workforce competitiveness, and better livelihoods for every Filipino worker.

We will continue investing in our people so they are equipped with the skills needed for the jobs of today and tomorrow,” ani kalihim. VC