IBCTV13
www.ibctv13.com

DOLE, nangakong paiigtingin ang job fairs at skills training kasunod ng pagbuti ng labor market noong Agosto

88
Views

[post_view_count]

DOLE Trabaho Agad Job Fair in Pampanga. (File photo of DOLE)

Muling pinagtibay ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pangako nitong palawakin ang mga programa para matulungan ang mas maraming Pilipino na magkaroon ng mas matatag na trabaho, kasunod ng pagbuti ng labor market noong Agosto.

Batay sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 49.79 milyon ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Agosto, o 574,000 mas mataas kumpara sa 49.22 milyon noong Hulyo.

Tumaas din sa 52.56 milyon ang bilang ng mga kabilang sa labor force, dahilan upang umakyat ang labor force participation rate sa 64% mula sa 63.6% noong Hulyo.

Samantala, bumaba sa 5.3% ang unemployment rate noong Agosto mula 6%, kasabay ng pagbaba ng underemployment rate sa 11.9% mula 12.9%.

Ayon kay Tolentino, magandang senyales ang pagdami ng mga may trabaho at pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho.

Sa kabila nito, hindi magpapakampante ang DOLE at ipagpapatuloy ang mga programa para matulungan ang mga manggagawa.

“Our task is to make sure that jobseekers are connected to opportunities, workers have relevant skills, and employment assistance leads to more sustainable work,” ani Tolentino.

Para sa natitirang bahagi ng taon, sinabi ng DOLE na palalawakin ang mga job fair, skills training, at iba pang employment programs upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng access sa trabaho at iba pang oportunidad sa kabuhayan.

Kabilang sa mga programang itinutulak ng kagawaran ang TRABAHO AGAD, Government Internship Program (GIP), Special Program for the Employment of Students (SPES), at JobStart Philippines.

Ilan pa sa mga hakbang ng DOLE ang Integrated Livelihood Program at Adjustment Measures Program upang suportahan ang kabuhayan ng mga kabataan at matulungan ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na mapanatili ang employment sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya.

Noong Agosto, nasa 171,000 manggagawa ang na-deploy ng DOLE sa mahigit 9,300 pampublikong paaralan sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program bilang bahagi ng expanded Brigada Eskwela katuwang ang Department of Education.

Ang inisyatiba ay layong maiugnay ang mga benepisyaryo mula sa short-term emergency employment tungo sa skills development, entrepreneurship, job placement, at sustainable livelihood opportunities.

Binigyang-diin ni Tolentino na hindi lamang dapat nakabatay sa labor market indicators ang tagumpay ng mga programa ng DOLE, kundi sa kakayahan ng mga manggagawa na magkaroon ng mas matatag na trabaho, bagong kasanayan, negosyo o mas magandang kabuhayan.- VC