
Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na agad nitong haharapin ang temporary restraining order (TRO) na pumigil sa pagpapatupad ng P85 umento sa sahod ng mga minimum wage worker sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, nakikipag-ugnayan na ang DOLE, sa pamamagitan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR (RTWPB-NCR), sa Office of the Solicitor General (OSG) na magsisilbing legal na kinatawan ng mga ahensya sa pagdinig ng kaso.
Matatandaan nitong Huwebes, Hulyo 30, naglabas ang Pasig Regional Trial Court ng TRO laban sa implementasyon ng NCR Wage Order No. 27 na nagtatakda ng P85 dagdag sahod sa mga kumikita ng minimum sa rehiyon simula Hulyo 25.
Nilinaw naman ni Tolentino na hindi na kailangang isauli ng mga manggagawa ang nadagdag na halaga sa kanilang sahod matapos ang ilang araw na pag-iral ng unang bahagi ng wage increase o katumbas ng P60.
“Meron nang vested right ‘yung manggagawa no’n. Hindi na dapat isauli ‘yon… kasi at that time it was prepared, and at that time it was received, wala pang order ‘yung National Wages and Productivity Commission na suspended,” paliwanag ng kalihim.
Binigyang-diin din niya na hindi maaaring obligahin ng mga employer ang kanilang mga empleyado na isauli ang wage differential o kaltasin ito sa mga susunod na sahod.
“Maging kalmado tayo ngayon. Hintayin natin ang magiging resulta ng desisyon ng isang coequal branch. Ginagalang natin ang judiciary. Ginawa natin ito para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino… lahat po ito ay para sa kapakanan ng manggagawa at ng mga employers,” dagdag ng kalihim.
Samantala, sinabi ni DOLE-NCR Regional Director at RTWPB-NCR Chairperson Atty. Sarah Buena S. Mirasol na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa OSG upang ipagtanggol ang legalidad ng wage order at mapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa.
Ayon kay Mirasol, dumaan sa itinakdang proseso ang pagbuo ng wage order, kabilang ang konsultasyon at pagtatalakay ng mga posisyon at komento ng mga kinatawan mula sa sektor, mga employer, at pamahalaan.
“Kami ay dumaan sa proseso. It was a discussion among the members of the Board, and all were given the opportunity. Tinalakay po namin ang iba’t ibang positions, comments ng labor, ng employer, as well as the government. We are confident in the fact that we followed due process,” ani Mirasol.
Sa ilalim ng Republic Act. No. 6727 o Wage Rationalization Act, binubuo ang RTWPB ng mga kinatawan mula sa labor, employer, at government sectors upang matiyak ang balanseng pagtatalakay sa usapin kaugnay ng minimum wage.
Sa kabila ng pansamantalang suspensyon sa dagdag-sahod, tiniyak ng DOLE na magpapatuloy ito sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, alinsunod sa umiiral na batas at direktiba ng administrasyon. – VC











