Nakatakdang simulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pilot test ng unified identification (ID) system para sa mga persons with disabilities (PWDs) ngayong Enero hanggang Hunyo 2025.
“Nagkaroon po tayo ng round-table discussion…doon po ay nagkaroon ng pagbabalangkas na mag-iissue po ang DSWD ng isang unified ID system,” ayon kay National Council on Disability Affairs (NCDA) Executive Director Glenda Relova.
Layon ng unified ID system na tugunan ang mga isyu ukol sa iligal na pagbibigay, pagbebenta, at paggamit ng pekeng PWD IDs.
“Inaantay lang po namin na ma-finalize ang terms of reference para ma-plantsa po natin ang different phases ng pagre-release ng ID,” dagdag pa nito.
Ayon pa kay Relova, ang aplikasyon, beripikasyon, at pag-apruba ay mananatili sa ilalim ng Persons with Disability Affairs Offices (PDAO) ng mga lokal na pamahalaan habang ang DSWD naman ang magiging sentrong awtoridad na magbibigay ng unified ID.
Magkakaroon ito ng pisikal at digital na ID na naglalaman ng biometric data ng PWD upang maiwasan ang pandaraya.
Ang physical ID ay magiging RFID-enabled (radio frequency identification) PVC card habang ang digital ID ay ma-a-access sa pamamagitan ng mobile app o web portal.
Magkakaroon rin ito ng web-based portal para sa real-time updating at lokal na beripikasyon na konektado sa Philippine Registry for Persons with Disability.
Inaasahan naman na ilulunsad ang sistema sa buong bansa sa darating na Hulyo 2024. – AL