IBCTV13
www.ibctv13.com

Pilipinas, bagong miyembro ng Coalition for Disaster Resilient Infrastructure

150
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. met with Coalition for Disaster Resilient Infrastructure (CDRI) officials at the Taj Mahal Hotel in New Delhi, India last Saturday, September 12, as the Philippines formally joined the global coalition to strengthen infrastructure against climate and disaster risks. (Photo courtesy of PCO)

Opisyal nang sumali ang Pilipinas sa Coalition for Disaster Resilient Infrastructure (CDRI) bilang ika-71 miyembro, isang hakbang na inaasahang magpapalakas sa kakayahan ng bansa sa pagtatayo ng maaasahang imprastraktura laban sa mga kalamidad.

Ito ay bunga ng pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga opisyal ng CDRI sa Taj Mahal Hotel sa New Delhi, India noong Sabado, Setyembre 12.

Ang Pilipinas ang ikalawang bansa sa Southeast Asia na naging miyembro ng CDRI, kasunod ng Vietnam.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez, mahalaga ang pagsali ng Pilipinas sa CDRI dahil patuloy na tumitindi ang epekto ng climate change sa bansa.

Sa ilalim ng CDRI, makikinabang ang Pilipinas sa mga kaalaman at karanasan ng ibang bansa tungkol sa paggawa ng mas matibay na kalsada, tulay, daungan, at iba pang mahahalagang imprastraktura.

“Parang sharing ito ng experiences in dealing with disaster and how to be disaster-resilient. Bibigay nila tayo ng payo doon,” ani Gomez.
Maaari namang makinabang ang Pilipinas sa pag-access sa financing para sa mga proyektong magpapalakas sa disaster resilience ng imprastraktura.

Ayon kay Gomez, mas mainam na gumastos para sa katatagan ng imprastraktura bago ang kalamidad sa halip na gumastos nang malaki para ayusin ang mga napinsalang gusali matapos ang sakuna.

Kaugnay nito, itinalaga ng pamahalaan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang kinatawan ng CDRI.

Bahagi ng pagsali ng Pilipinas sa CDRI ang pagpapalakas ng Philippines-India Strategic Partnership at pagsuporta sa mga layunin ng Philippine Development Plan 2023-2028, National Adaptation Plan 2023-2050, at National Disaster Risk Reduction and Management Plan 2020-2030.

Ayon kay CDRI Director-General Amit Prothi, ikinagagalak nila ang pag-anib ng Pilipinas sa grupo at inaasahan ang pakikipagtulungan ng mga institusyon para sa mga programang magpapalakas sa disaster resilience ng imprastraktura. VC