IBCTV13
www.ibctv13.com

VAT sa system loss charge sa kuryente, inalis na ng BIR

170
Views

[post_view_count]

Electric meters of individual households along Commonwealth Avenue in Quezon City. (File photo of PNA)

Inalis na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Value-Added Tax (VAT) sa allowable system loss charge sa kuryente, kasunod ng pag-isyu ng memorandum circular ngayong araw, Setyembre 14.

Sa ilalim ng Revenue MC 97-2026, pormal nang kinikilala ang system loss charge bilang pasok sa cap na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission bilang “government-mandated pass-through cost” na hindi isinasama sa kabuuang kita para sa VAT purposes.

Ang naturang charge ay hindi na papatawan ng output VAT at “creditable withholding tax on VAT.”

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, layunin ng hakbang na magbigay ng praktikal na tulong sa mga konsyumer habang patuloy na naghahanap ng paraan ang pamahalaan para mapababa ang singil sa kuryente.

“Every peso saved by consumers counts,” ani Mendoza.

Para maipatupad, kailangang hiwalay na ilagay sa billing statement, invoice o katulad na dokumento ang allowable system loss charge.

Kailangang tiyakin ng mga generation company, National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), distribution utility, electric cooperative at iba pang apektadong taxpayer na tama ang kanilang billing, accounting at reporting para sa naturang charge.

Ayon sa BIR, ang direktang epekto nito sa mga konsyumer ay mas mababang halagang sisingilin sa mga covered billing dahil hindi na isasama ang VAT sa allowable system loss portion ng electricity bill.

Gayunman, nilinaw ng ahensya na hindi kasama sa VAT exemption ang income tax at kaukulang creditable withholding tax.

Binigyang-diin ni Mendoza na bagaman hindi nito agad malulutas ang problema sa presyo ng kuryente, tiniyak niyang gagamitin ng BIR ang mga hakbang na nasa ilalim ng mandato nito upang mabawasan ang gastusin ng mga konsyumer. VC