
Itinaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang passenger fuel surcharge para sa huling dalawang linggo ng Setyembre kung saan inaasahan ang mas mataas na airfare para sa domestic at international flights.
Sa inilabas na advisory ng CAB, itinaas sa Level 14 ang fuel surcharge mula Setyembre 16 hanggang 30, mula sa kasalukuyang Level 13 na magtatagal hanggang Setyembre 15.
Sa ilalim ng Level 14, maaaring maningil ang mga ariline ng karagdagang P457 hanggang P1,336 kada pasahero para sa domestic flights, depende sa layo ng biyahe.
Para naman sa international flights, maaring umabot sa P1,509.08 hanggang P11,220.71 kada pasahero ang fuel surcharge, batay sa ruta at layo ng destinasyon.
Pansamantalang pinaikli ng CAB sa 15 araw ang period sa adjustment ng fuel surcharge mula sa dating isang buwan.
Layunin nitong mas mabilis na makatugon sa pabagu-bagong presyo ng langis, mabawasan ang epekto nito sa mga airline at pasahero, at makatulong sa pamamahala sa tumataas na operating costs.
Ang fuel surcharge ay hiwalay na bayarin maliban sa base fare sa airline tickets. – VC











