IBCTV13
www.ibctv13.com

DSWD, may handog na tulong-pinansyal sa mga magsasaka, mangingisda, at pamilyang apektado ng El Niño

131
Views

[post_view_count]

Dry crops. (File photo of PIA)

Patuloy ang pagbibigay ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang apektado ng El Niño, kahit hindi pa ganoon kalawak ang epekto nito sa bansa.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, nakatutok ang ahensya sa pagtitiyak ng food at water security sa mga komunidad at pagpapalakas ng kakayahan ng vulnerable sector na makapaghanda sa iba pang climate hazards.

Sa ngayon, namamahagi na ang ahensya ng tulong tulad ng Emergency Cash Transfer (ECT), family food packs (FFPs), farming kits at mga kagamitan para sa mga magsasaka.

Nagde-deploy ang DSWD ng mga disaster response vehicle, kabilang ang water tankers, sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang suplay ng tubig.

Karamihan sa mga benepisyaryo ay mula sa mga lugar na nagdeklara ng state of calamity, kabilang ang Ilocos Norte, Isabela, Cagayan, General Nakar sa Quezon, Oriental Mindoro, Camarines Norte, Dinagat Islands, Butuan City at Agusan del Norte.

Batay sa datos ng DSWD, umabot na sa P7.6 milyon ang cash assistance na naipamahagi sa halos 200,000 pamilya na naapektuhan ng El Niño.

May P1.4 bilyong standby funds din at 3.8 milyong FFPs na nakahanda para sa mga nangangailangan.

Tiniyak ng DSWD na may hakbang upang mapanatili ang kalidad ng mga nakaimbak na food packs sa kabila ng matinding init.

“We are providing technical assistance not only to field personnel but to partners sa warehouses para alam din nila paano mapangalagaan ang mga goods, temperature sa areas, at paglalagay ng mga heat insulator sa mga ceiling,” ani Dumlao.

Samantala, nagpapatuloy ang Local Adaptation to Water Access (LAWA) na naipatupad na sa higit 5,000 sites, pati ang mga Food-for-Work at training activities sa ilalim ng Project LAWA at BINHI.

Para sa mga pamilyang nais makatanggap ng tulong, sinabi ng DSWD na karaniwang manggagaling sa local government units (LGUs) ang listahan ng mga posibleng benepisyaryo.

Isasailalim ito sa verification ng ahensya upang matukoy ang aktuwal na pangangailangan at maiwasan ang duplication o pagkakadoble ng mga pangalan.

Kung hindi kasama sa listahang isinumite ng LGU, maaaring dumulog ang isang indibidwal o pamilya sa pinakamalapit na DSWD Field Office para sa assessment at evaluation.

Nilinaw din ng ahensya na hindi lamang mga magsasaka at mangingisda ang maaaring maging benepisyaryo.

Maaaring mabigyan ng tulong ang ibang residenteng naapektuhan ng matinding init, kabilang ang mga nakaranas ng pinsala sa kanilang tahanan.

Sa tala ng DSWD, maaaring umabot sa P10,000 o higit pa ang financial assistance para sa kwalipikadong benepisyaryo, depende sa minimum wage rate sa lugar at sa bilang ng araw na isinailalim ito sa state of calamity. (Ulat mula kay Princess Jordan) – VC