
Patuloy ang paghahanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa inaasahang epekto ng Super El Niño, kabilang ang pagpaparami at pag-iimbak ng family food packs (FFPs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumalo, mahigit apat na milyong FFPs na ang naka-preposition sa mahigit 1,000 warehouse ng ahensya, habang tuloy-tuloy ang produksyon upang maabot ang target na 5.2 milyong FFPs.
“Ang DSWD hindi lamang naghahanda kapag may kalamidad, in anticipation of the El Niño phenomenon and other calamities, patuloy ang pag-produce at pag-preposition ng family food packs,” ani Dumlao.
Kasabay ng relief supplies, pinalalakas din ng DSWD ang implementasyon ng Project LAWA at BINHI, na nakatuon sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga vulnerable sector na harapin ang epekto ng climate change.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatayo ng small farm reservoir impounding facilities, pagtatanim ng climate-resilient crops, at pagtatayo ng mga water facility sa ilalim ng KALAHI-CIDSS.
Samantala, tiniyak ng DSWD na ligtas ang mga nakaimbak na relief supplies laban sa matinding init.
Ayon kay Dumlao, may heat insulation ang mga warehouse ng ahensya at lalagyan ng high-ceiling garden fans upang makatulong na mapanatili sa maayos na kondisyon ang mga essential goods.
Nagsimula na ang pamamahagi ng tulong tulad ng Emergency Cash Transfer sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng El Niño, kabilang sa Cagayan at Isabela.
Batay sa datos ng DSWD, mahigit 45,000 FFPs na ang ipinamahagi ng ahensya kanilang ang halos 5,000 bottled water.
Sa huli, tiniyak ni Dumlao na magpapatuloy ang paghahanda at pagpapatupad ng mga interbensyon ng DSWD upang matulungan ang mga komunidad na makaangkop sa matinding epekto ng matinding climate phenomenon. – VC











