
Itinaas na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang alert status ng mga disaster response unit nito bilang paghahanda sa inaasahang pagpasok ng Bagyong Inday sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang gabi, Hulyo 7, o umaga bukas, Hulyo 8.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan na ang lahat ng field offices ng kagawaran na mahigpit na bantayan ang sitwasyon at tiyakin ang paglalatag ng mga relief resources upang agad na masuportahan ang mga lokal na pamahalaan na maaaring maapektuhan ng bagyo.
“We have already mobilized our Field Offices to monitor the situation and secure the safety lines for relief delivery. Of course handa ang DSWD sa anumang sakuna, pero patuloy pa rin kaming naghahanda, dahil hindi po natatapos ang aming pagtulong sa ating mga kababayan dahil kagaya nga po ng palagi naming sinasabi– hindi na po tayo nag-hihintay na dumating muna ang sakuna, bago tayo umaksyon,” ani Dumlao.
Batay sa pinakahuling Disaster Response Operations Monitoring, Information, and Communication (DROMIC) report, may naka-preposition nang 4.775 milyong family food packs (FFPs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nagkakahalaga ng mahigit P3.009 bilyon.
Kabilang dito ang 364,283 ready-to-eat food (RTEF) boxes at 271,446 non-food items (NFIs) na maaaring agad ipamahagi sa mga maaapektuhang pamilya.
Bukod sa mga relief goods, tiniyak din ng DSWD na may sapat itong standby funds para sa agarang pagtugon sakaling magkaroon ng malawakang pinsala ang bagyo.
Ayon kay Dumlao, ang maagap na pagpoposisyon ng FFPs at NFIs bago pa man tumama ang anumang kalamidad ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“The Department remains fully prepared for any disaster as a new typhoon enters the PAR, and as directed by President Marcos Jr., our primary goal is to ensure zero delays in the distribution of relief to communities isolated by heavy rainfall,” ani Dumlao.
Kaugnay nito, patuloy ang 24 oras na operasyon ng Luzon Disaster Response Center sa Pasay City at Visayas Disaster Response Center sa Mandaue City, Cebu upang mapanatili ang sapat na imbentaryo ng relief supplies sa lahat ng rehiyon.
Samantala, muling hinikayat ng DSWD ang mga residente, lalo na ang mga nakatira sa mabababang lugar at mga lugar na madalas na bahain, na sumunod sa mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan at disaster offices upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
“Paalala po sa ating mga kababayan na siguraduhing ligtas ang mga sarili at ang pamilya, at syempre makinig sa anunsyo ng inyong mga lokal na pamahalaan, at mga kinauukulang ahensya,” ani Dumlao. – VC











