
Siniguro ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na walang titipiring quick response funds (QRFs) para sa pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad gaya ng bagyo at habagat, partikular na sa pagkain at cash assistance.
Ito ay direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking mabibigyang prayoridad ang paghahatid ng pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta.
“Unli. Honestly, unli. Sabi ng Presidente, basta kalamidad, hindi tayo nagtitipid. So, the quick response funds are worth billions, so it’s a lot of funds,” pahayag ni Secretary Gatchalian sa isang panayam.
Bumisita ang kalihim sa Pampanga upang suriin ang mga iniwang pinsala ng nagdaang sama ng panahon, kung saan makikipagtulungan ang DSWD sa lokal na pamahalaan para sa pamamahagi ng tulong-pinansyal kalaunan.
“Nakita namin medyo napuruhan sila. So, we’re going to work with the local government unit on the cash assistance later on….ang instruction ng ating Pangulo, Pangulong PBBM, masigurado na may food augmentation,” ani kalihim.
Iniulat ng DSWD chief na nakapamahagi na ng halos 193,000 family food packs (FFPs) sa buong bansa. Ilang lugar naman aniya sa bansa ang idineklarang “special areas of concern” sa Central Luzon at Ilocos Region.
Kabilang sa mga matinding naapektuhan ng nagdaang Bagyong Luis, Maymay, at ng pinalakas na Habagat ang Ilocos Region, MIMAROPA, at Western Visayas.
Nitong Martes, ininspeksyon ni Pangulong Marcos Jr. ang evacuation center sa Las Piñas City, kung saan personal niyang nasaksihan ang pamamahagi ng maiinit na pagkain, FFPs, sleeping kits, hygiene kits, maternity kits para sa mga buntis at may sanggol na anak, at cash assistance sa mga apektadong pamilyang.
Inikot din ng Pangulo ang Verdant Covered Court Evacuation Center sa Barangay Pamplona Tres na tinayuan ng mga tent para sa bawat pamilyang bakwit at binigyan ng pagkain at tubig.
“Ang goal natin is to make sure na ‘yung mga nasa evacuation center na tutulungan natin, katulad dito sa Las Piñas, mayroon pa tayong around 200 families sa evacuation center,” saad ni Gatchalian.
Namigay ang pamahalaan ng tig-P10,000 cash assistance sa mga pamilyang sinalanta ng bagyo at Habagat sa naturang lungsod. – IP











