
Hiniling ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ibalik sa P63.9 bilyon ang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program sa 2027.
Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP), P33.3 bilyon lamang ang nakalaan para sa AICS.
Halos kalahati ito ng P63.9 bilyong budget ng programa ngayong 2026.
Ayon kay Gatchalian, maaaring umabot sa apat na milyong indibidwal ang hindi mabibigyan ng tulong sa susunod na taon kung hindi madadagdagan ang pondo.
“Ibalik sa original na level na P63 billion kasi may mga ganitong emergency at alam natin itong Gulf crisis, hindi pa naman ito tapos,” ani Gatchalian.
Ipinaliwanag ng kalihim na hindi lamang ang marginalized families ang umaasa sa AICS.
Kabilang sa maaaring makinabang dito ang middle-class, near-poor households, at mga manggagawang mababa ang kita na apektado ng krisis o kalamidad.
Sa katunayan, bahagi ng AICS budget ngayong taon ang ginamit sa Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport (UPLIFT), na nagbigay ng cash assistance sa halos dalawang milyong transport workers noong kasagsagan ng energy emergency.
Samantala, sa gitna ng diskusyon kaugnay ng mga ipatutupad na programa, nilinaw naman ni Guimaras Rep. JC Rahman Nava, sponsor ng DSWD budget, na nasa 14,000 benepisyaryo ang natukoy na nakatanggap ng duplicate na ayuda noong 2025.
Ayon sa kongresista, mas mababa ang aktuwal na bilang kumpara sa halos 400,000 duplication na nabanggit sa mga ulat ng Commission on Audit (COA).
Na-flag na ng DSWD ang 14,000 benepisyaryo at pansamantalang hindi muna maaaring makatanggap ng karagdagang tulong mula sa ahensya.
“If there will be another incident of such, then appropriate charges will be filed by the Department against these clients,” saad ni Nava.
Para maiwasan ang duplicate payout, nagsasagawa na ang DSWD ng manual verification habang gumagawa ng bagong digital tracking system.
“The continued digitalization of the DSWD would provide for these gaps, and there’s a new system that is being installed and will be functional by the end of this year,” ani kongresista. – VC











