
Itinatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Education Philippines (EduPhil) Program upang makahikayat ng international students na nais mag-aral, magsagawa ng research at sumailalim sa training sa Pilipinas.
Sa ilalim ng Executive Order No. 124, kinilala ng administrasyon ang mahalagang papel ng international education sa paglago ng ekonomiya, pagpapaunlad ng teknolohiya, pagpapalakas ng kakayahan ng mga Pilipino at pagpapalawak ng ugnayan sa ibang bansa.
Layon ng programa na gawing mas madali ang pagpasok, pananatili at pag-aaral ng mga foreign student sa Pilipinas.
Tutulungan ng EduPhil ang mga higher education institution (HEI) na makahikayat ng mas maraming international student at mapabuti ang mga programang inaalok para sa kanila.
Itinalaga ang Commission on Higher Education (CHED) bilang pangunahing ahensya na mangunguna sa pagpapatupad ng programa.
Itatatag ang EduPhil Task Force, isang inter-agency body na mag-uugnay sa mga hakbang ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para maisulong ang international education sa mga HEI sa bansa.
Magsisilbing secretariat ng Task Force ang CHED at magbibigay ito ng kinakailangang teknikal at administratibong suporta.
Ilulunsad ang EduPhil Portal upang mapabilis at mapadali ang pagkuha ng mga serbisyo ng pamahalaan para sa mga international student.
Inatasan ng Pangulo ang CHED na pangasiwaan ang programa at magsagawa ng pagsusuri sa pagpapatupad nito sa loob ng isang taon.
Ang paunang pondo para sa EduPhil ay kukunin mula sa kasalukuyang budget ng CHED at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan.
Alinsunod ang programa sa Republic Act No. 11448 o Transnational Higher Education Act, na naglalayong palawakin ang internationalization ng higher education at transnational higher education program sa Pilipinas. – VC











